27.5-M Euro ayuda sa repormang agraryo
NAKATANGGAP ng halagang 27.5 milyong euro ang gobyerno para sa programa ni Pangulong Noynoy Aquino sa repormang agraryo sa bansa. Ibig sabihin “tunay” o genuine agrarian reform. Sana nga’y matamo na ang minimithing genuine land reform ng ating mga magsasaka.
Ayon kay Executive Secretary Jojo Ochoa, sumaksi mismo si P-Noy nung Miyerkules sa paglagda sa Cagayan De Oro City sa Memorandum of Understanding nina Agrarian Reform Secretary Virgilio Delos Reyes at Ambassador Luca Fornan para sa tulong ng Italy sa Agrarian Reform Community Development Support Project (IARCDSP).
Ang ayudang salapi ay tinatayang aabot ng P2.6 bilyon na soft loans at grants - 26,190,016 euros buhat sa Italy at 14,438,000 euros bilang katapat na ambag ng Pilipinas.
Layunin ng proyekto na dagdagan at patatagin ang kita ng mga nasa piling komunidad ng repormang agraryo at magkaroon sila ng mahahalagang serbisyo sa piling ARCs at mga kaugnay na komunidad na hindi kabilang sa ARC.
Aabot sa 1,000 katao buhat sa iba’t ibang sektor ang dumalo rito, kabilang ang mga tumanggap ng kaukulang tulong buhat sa iba’t ibang programa ng administrasyon laban sa kahirapan, ani Ochoa.
Bago ito, pinasinayaan ni P-Noy ang 9.1 kilometrong kalsadang pinondohan ng Australia sa bayan sa baybay-dagat na Opol na 10 kilometro mula sa Cagayan de Oro patungo sa mga barangay sa liblib na bahagi ng lalawigan.
Nagtalumpati rin ang Pangulo sa Joint Philippine Economic Briefing and Regional Development Council na binubuo ng mga kinatawan ng sektor ng negosyo at media sa Mallberry Suites Business Hotel.
- Latest
- Trending














