^

PSN Opinyon

'Ang tapang ni Atong Ang...'

- Tony Calvento -

SI CHARLIE “ATONG” ANG ay ipinakilala sa akin ni Sen. Panfilo Lacson. Nagtatanghalian kami ni Sen. Ping nung mga panahong iyon at kahit hindi imbitado ay umupo sa aming mesa sa isang Chinese restaurant.

Napansin kong binigyan siya ni Sen. Ping na isang tingin na parang nagsasabing, “umalis ka nga dito.”

Matapos ang aming lunch meeting nakita ko si Atong na sumenyas ng “thumbs-up” na parang nagsasabi sa amin ni Sen. Ping na okay na... bayad na ang aming kinain. Hindi na ako nag-usisa kung bakit niya binayaran ang aming lunch.

Matagal kong hindi nakita si Atong hanggat nakita ko siya sa Heritage Hotel at tumaya sa “baccarat table” ng limang daang libong piso ng dalawang beses. Matapos ang dalawang tama (two hits) kinuha niya ang kanyang pinalalunang isang milyong piso at ipinadeposito sa cashier ng Heritage. Napangiti ako at nasabi sa aking sarili na bigtime gambler talaga itong si Atong.

Unang umugong ang pangalan ni Atong ng ito’y masangkot sa isang tutukan ng baril (teka siya lang yata ang nanutok) at mailathala ang kanyang larawan sa “front page” ng isang broadsheet kasama ang ilang bodyguards na miembro ng Presidential Anti Organized Crime Commission (PACC) na hawak ang kanyang baril at kinukumpronta ang isang kongresista na kanyang sinampal sa isang sabungan. Parang lay-out ng isang pelikulang ang titulo ay “Kakasa ka ba...?”

Paano naman kakasa ang kongresistang ito na hindi naman kilalang basagulero at nakabunot na ang baril nitong si Atong? Aba kahit ako kapag naunahan na ng ganun hindi na muna ako bubunot dahil siguradong agrabyado ako. Marahil sa ibang araw o ibang pagkakataon. Hindi na nagkaroon ng pagkakataon ang pobreng kon­gresista at magpahanggang ngayon nakatatak pa sa kanyang mukha ang sampal at pagkaduro sa kanya ni Atong.

MANDUDURO BA SI ATONG? Ito ang tanong ko sa aking sarili. Minsan nagkausap kami niyan at sinabi niya na galit siya kay Senior Superintendent Michael Ray Aquino na hinahanting niya ito.

Nagkita kaming muli ni Sen. Ping at nabanggit ko ng pahapyaw na galit si Atong. Natawa ang senador at sinabing “Hindi uubra kay Ninoy (Michael Ray) yan!”

Magaling magsalita yang si Atong at magpaikot ng tao. Hindi ba’t pati sa “inner circle of friends” ng presidente nakapapasok ito. Naalala pa ba ninyo na nakitang kasama siyang naglalaro sa Heritage Hotel sa “baccarat table” ni dating president Joseph Estrada at Sen. Jinggoy? Isang puslit na kuha mula sa isang “closed-circuit television” na inilabas ng isang CCTV operator ng PAGCOR na si Edgardo Bentain nung kapanahunan ni Chair Alice Reyes, nung 1998?

Si Bentain ay dinukot at magpahanggang ngayon ay hindi na nakita, maski ang kanyang mga labi. Marami ang nagsasabing patay na ito. Ang kapatid at kamag-anak nitong si Bentain ay lumapit sa akin para humingi ng tulong subalit hindi na talaga makita ito.

Kasamang nakasuhan si Atong sa Sandiganbayan ng kasong plunder sina Joseph at Jinggoy Estrada at ang abogadong si Edward Serapio dahil sa “kick back mula sa 130-million tobacco excise tax” na ibinulgar ni Luis “Chavit” Singson.

Tumakas ng bansa itong si Atong nung araw ng maalis si Estrada sa Malacanang nung January 20, 2001. Lumipad ito paalis ng bansa sakay ng isang Cathay Pacific Airways at nagpunta sa Hong Kong. Matapos ay tumuloy ito ng Estados Unidos sa Las Vegas, Nevada.

Naghain ng “Request for Extradition” ang Pilipinas at nahuli si Atong nung November 25, 2001. Naglagak ito ng $300,000 bail at inilagay “under house arrest” itong si Ang.     

Bago lumisan ng bansa itong si Atong ay isang “consultant” umano ng Philippine Gaming and Amusement Corporation (PAGCOR) sa larong Bingo 2-ball kung saan tumatanggap umano siya ng P500,000 araw-araw sa ilalim ng kanyang kumpanyang Power Management Corporation di pa kasali dun ang mga bonus ng nakuha niya mula sa Pagcor.

Ang Bingo 2-ball ay ang isang uri umano ng jueteng. Kilala rin si Atong sa “gambling world” bilang operator ng Masiao sa Mindanao ayon kay Roberto Lastimoso.

Si Atong ay ipinabalik ng Pilipinas sa isang kautusan na pinirma­han ni Judge Lawrence Leavitt ng US District Court sa Nevada nung Sept. 18, 2006 na-extradite itong si Atong pabalik ng Pilipinas.

November 10, 2006 dumating si Atong sa Pilipinas kasama sina NBI Director for Regional Operation Services Reynaldo Esmeralda at NBI Interpol Division Chief na si Claro de Castro lulan ng Philippine Airlines, business class pa (sosyal talaga).

Mahigit sa 40 ahente ng NBI sa pamumuno ni Atty Ruel Lasala ang sumalubong sa kanya upang protektahan. Mga naka-bullet proof vest na para bang lalaban sa giyera. Daig pa sina Cesar Mancao at Glenn Dumlao.

Sa halip na ilagay sa Quezon City Jail dahil malapit ang Sandigan­bayan sa NBI compound inilagay itong si Atong.

Dito na nagsimulang mapalapit si Atong sa mga taga NBI.

Sa galing nitong magsalita, kahit sirang relo ng Manila City Hall kayang nitong ibenta. Kaya naman napabilib niya pati si former DOJ Sec. Raul Gonzalez na maari siyang makapagbigay linaw sa mga kasong tulad ng pagkawala ni Bentain at mahalagang impormasyon sa Kuratong Baleleng Case na hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin sa Korte Suprema.

Ano nangyari? Wala namang malaman na impormasyon ang ibinigay si Ang subalit nakuha na niya ang gusto niya na manatili sa loob ng NBI at hindi sa QC Jail.

Mula sa kanyang “not guilty plea” pinalitan ni Atong ito ng “guilty to a lesser offense of bribery.” Sa ginawa niyang ito, inilaglag niya ang matagal na niyang kaibigan na si Joseph Estrada.

 Umamin na lubog siya sa utang nung mga panahong yun kaya nga humingi ng permiso mula sa Sandiganbayan na makapunta sa Cambodia dahil kinukuha siyang “consultant” umano dun.

Mula sa pagiging “bankrupt” itong si Atong at ngayon ayon sa mga “illegal gambling insiders” ay kumikita ng milyones kada araw dahil sa jueteng.

Ilang ulat ang naglabasan at una nang binulgar ni kaibigan Ramon Tulfo ang pagbabalik ng mga galamay ni Charlie “Atong” Ang sa jueteng.

Sa Nueva Vizcaya, Camarines Norte. Albay, Isabela at kahit mismo sa loob ng Cagayan Economic Zone si Atong ang nagpapatakbo umano ng Jueteng.

Dahil sa kanyang pagsusulat nademanda itong si Mon sa korte at nakatanggap ng sari-saring “death threats.”

Sa isang “despedida party” para sa isang kaibigan nagtagpo ang landas ni Mon at ni Atong.Ito ay ginanap umano sa tahanan ni Jackie Ponce-Enrile, anak ni Senate President Juan Ponce-Enrile.

Kinumpronta ni Atong si Mon sa mga pinagsusulat nito. Mainit si Atong at cool lang si Mon. Hindi na inisip nitong si Atong na hindi ito ang tamang lugar para mag-eskandalo.

Sa aking pakikipag-usap kay Mon sinabi nito na nagmura daw itong si Atong at sumagot lamang ito. Nilusob daw ni Atong si Mon at sinubukan suntukin. Hindi tumama ang suntok nitong si Atong at inawat ng mga ibang bisita.

Habang pinipigil lalong nanggigil itong si Atong.Siyempre naman maraming tao para makapagpakitang gilas. Bumonot daw ng baril itong si Atong at mula sa kanyang beywang at itinutok kay Mon. Inawat na naman itong si Atong.

Tapang pala nitong si Atong. Nakakatakot... Ganyan din kaya siya katakot kapag walang aawat?

“Ang tanong ay nakita ang isang convicted briber ay nasa party ng mga Enriles? Maliban pa dun bakit siya nagdadalang baril. Hindi na ba niya nirespeto ang tahanan ng mga Enrile?” tanong ng isang bisita.

Bakit nga ba? Balita ko ay kaibigan naman ngayon ni Atong ang manugang ni Enrile na si “James.”

Aba, kung ako si James mag-iingat ako baka magamit lamang ako nitong taong ito. Dapat pati na rin ang mga Enrile ay mag-isip din tungkol kay Atong.

Kung susuriin ninyo para lahat ng samahan nitong si Atong nagkakaroon ng gusot. Mga taga NBI umano ay nagkaroon din ng gusot ng intrigahin nito ang isang “top ranking official” na siyang naging dahilan sa pagkakalipat nito sa ibang departamento. Nagugulat pa ba kayo gayung mismong si Erap na masasabi mong “patron” nitong si Atong na malaki ang kanyang utang na loob ay inilaglag nito?

Si Kasamang Bening Batuigas kamakailan ay inisa-isa ang mga ginagalawan nitong si Atong subalit parang walang ginagawa ang bagong talagang DOJ Secretary na si Agnes Devanadera at si NBI Director Nestor Mantaring sa mga mahahalagang impormasyon na inilabas ni Bening. Bakit kaya?

Mag-ingat ka rin Bening baka magkita kayo sa party nitong si Atong at tutukan ka rin ng baril. Matapang itong si Atong..

Sa huling pag-uusap namin ni Mon sinabi nito na may lumapit na kaibigan na babae sa kanya at nakiusap na ayusin na lamang ang away nila ni Atong. Nabalitaan daw umano ni Atong na hinahanap siya Mon. Eh, sino ba ang nag-umpisa? Ngayon malaki na ang apoy na sinimulan mo aareglo ka? Ang tapang talaga nitong si Atong!

SA MIYERKULES abangan ang pagpapatuloy ng seryeng ito kung paano umano nagawa ni Atong ang pagpapatakbo ng jueteng sa ilang malalaking probinsya at maski na dito sa Metro Manila sa tulong umano ng ilang tiwaling ahente at opisyales ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police.

PARA SA INYONG MGA REAKSYON maari kayong tumawag sa 6387285 o magtext sa 09213263166 at 09198972854. Maari din kayong magpadala ng liham sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Ugaliin makinig sa “Hustisya para sa Lahat” Lunes hanggang Biyernes, alas 3 ng hapon sa DWIZ 882KHZ, at alas 7 ng umaga kapag Sabado.

* * *

Email address: [email protected]

ATONG

ISANG

ITONG

PILIPINAS

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with