Maling batas ang ginamit
ANG kasong ito ay tungkol sa isang parselang lupa na may sukat na 262.2346 ektarya. Nakapaloob ito sa 300.4023 ektaryang lupa na sakop ng titulo na nakapangalan kay Domeng at sinasaka ng kanyang mga tauhan. Alinsunod sa batas (PD 27), ang lupa ay kinuha ng gobyerno at ipinagkaloob sa mga magsasaka na siyang idineklarang may-ari ng lupa noong Oktubre 21, 1972. Pinaghati-hati ang lupa at ipinamahagi sa mga magsasaka ang mga titulo (emancipation patent) mula taong 1990 hanggang 2000.
Noong 1994 lamang naproseso ng LBP (Land Bank of the Philippines) ang mga papeles upang mabayaran ang lupa sa halagang P2,086,735.09 gamit ang pamantayang batas (PD 27) at ang mga ipinatupad na pagbabago nito (EO 228) umpisa Hulyo 17, 1987.
Kahit nakatanggap na ng paunang bayad na P1,845,999.71 mula sa LBP, hindi pa rin tinanggap ni Domeng ang balanseng P 868,191.66. Sa halip, nagsampa siya ng kaso sa korte upang hilingin na mapag-aralan kung magkano pa ang karampatang bayad sa lupa mula 1988.
Nang matapos ang paglilitis, ang petsang pinagbatayan ay hindi Oktubre 21, 1972 kundi ang mismong petsa na ipinamahagi ang titulo. Sa ganitong paraan, mas tumaas ang ibinayad sa lupa. Kung dati ay 41.67 cavan lamang ang ibinabayad, ngayon ay 91.42 cavans na ang sukatan. Ang presyo naman sa palay ay hindi na ang dating P35 kada cavan ng 50 kilong palay, kundi P50 kada cavan.
Tama ba ang korte sa ginawa nito?
TAMA. Dapat na masunod ang bagong batas (RA 6657). Tungkulin ng korte na ipagtanggol ang mahihina at naaapi ngunit hindi ito nangangahulugan na pababayaan na ang karapatan ng mga may-ari ng lupa. Ang hustisya ay para sa lahat.
Tunay na kinuha ang lupa ni Domeng sa panahong umiiral ang PD 27 ngunit dahil sa kabagalan, 1994 na nang matapos ang mga papeles. Nang maging batas ang RA 6657 noong 1988, hindi pa rin tapos ang repormang pansakahan. Pati si Domeng ay hindi pa nababayaran. Tama lang na bayaran siya sa halagang napagkasunduan sa pagitan ng DAR, LBP at may-ari ng lupa o kung anumang halaga ang mapagpasyahan ng husgado. Ang paunang P1,845,999.71 ay dapat na ibawas na lamang sa halagang mapagkakasunduan. (Land Bank of the Philippines vs. Heirs of Domingo etc., G.R. No. 168533, February 24, 2008).
- Latest
- Trending














