^

PSN Opinyon

‘Karilyebo ko ang killer ko...’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
ANG isang security guard ay binabayaran para magbantay ng isang bahay o establishment ng labing dalawang oras. Matapos ang kanyang "tour of duty" dumadating ang kanyang karilyebo.

Para sa isang security guard mas mahirap magbantay kung ang iyong oras ay "graveyard shift" na ang ibig sabihin ay panggabi mula alas-7 ng gabi hanggang alas-7 ng umaga.

Ang isang tao kapag puyat ay hindi nagiging alerto kapag siya ay hindi nakakapagpahinga o hindi nakakatulog.

Kadalasan ang ka-buddy (partner) ng security guard ay nagbibigayan kung dumadating ang oras ng pangangailangan. Paano kung mayroon ding importanteng aasikasuhin ang isa’t isa kaya hindi siya mapagbibigyan?

Ang resulta nito ay samaan ng loob, away at pinakagrabeng maaaring mangyari ay magkasakitan.

Lumapit sa aming tanggapan si Odessa Cornejo ng Bagong Tanyag, Taguig City upang humingi ng tulong na madakip ang suspek sa pagpatay sa kanyang live-in partner.

Tatlong taon nagsama ang biktimang si Percival Garcia at Odessa. Nagkaroon sila ng isang anak na pinangalanan nilang Yankee. Nagplanong magpakasal ang dalawa subalit nagkaproblema si Percival sa kanyang birth certificate dahil ayon kay Odessa hindi nakarehistro ang live-in partner nito.

Security guard ng Infinity Security Agency ang biktima. Sa bahay ng may-ari, si Edward Pajaro ng nasabing agency na-assign ang biktima. Siyam na buwan siyang naglingkod dito.

Mabait, maasahan at mahusay makisama si Percival sabi ni Odessa. Sa katunayan nito, madalas niyang pagbigyan ang pakiusap ng kasamahan nito sa trabaho, si Romeo Regala.

Naging abusado naman itong suspek na si Romeo sa ginagawa ni Percival sa kanya. Gusto daw nito na lagi siyang pagbibigyan sa mga kagustuhan nito subalit minsan ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sina Percival at Romeo.

Dalawang araw bago maganap ang insidente, nabanggit ni Percival kay Odessa ang tungkol sa pagtatalo nila ni Romeo. Muling hiniling ni Romeo kay Percival na kung maaari ay mag-straight ito sa kanyang duty subalit tumanggi ang huli.

Nakaplano noon ang mag-asawang Odessa at Percival na ipa-check up ang nagkasakit na anak kaya ito ang dahilang kung bakit hindi nito napagbigyan si Romeo bagay na ikinasama ng loob nito.

"Sinabi naman sa kanya ng maayos ng asawa ko na sa pagkakataong ‘yun hindi niya mapapagbigyan dahil sa may sakit ang anak ko pero hindi niya alam na ikasasama pala ng loob niya ‘yun," kuwento ni Odessa.

Dito nagsimula ang alitan ng dalawa kung saan sumama ang loob nitong si Romeo dahil sa kanilang pagpapalitan sa duty. Hindi naman binigyang pansin ni Percival ang bagay na ito sapagkat ayon kay Odessa, naging maayos ang pakitungo ng kanyang asawa sa lahat ng mga kasama nito partikular na sa suspek.

Ika-5 ng Setyembre 2004 nagpaalam si Percival sa kanyang asawa na mag-straight ito sa kanyang duty. Bandang alas-11:45 ng gabi nang magkayayaan sina Percival at isa pang kasama nito sa trabaho si, Marcial Guzman Jr. sa Honey Grill Videoke & Restaurant sa Meralco Ave., Brgy. San Antonio, Pasig City.

Habang masayang nagkakantahan ang dalawa, galit na sumusugod sa nasabing videoke bar ang suspek na si Romeo. Armado ito ng isang 9mm at 38 cal. at agad namang hinarang ito ni Marcial subalit sinabihan naman nito ang testigo na hindi siya ang kailangan at ang biktima ang nais niyang makaharap.

Nang makita nitong kumakanta ang biktima ay agad nitong pinaputukan sa binti at nang mayuko ito ay apat na beses pa nitong pinalo sa batok. Napayakap naman si Percival kay Romeo at pagkatapos nito ay muling pinaputukan ng suspek ang biktima sa bandang tagiliran naman.

Matapos ang ginawang insidente ay agad namang tumakas ang suspek habang ang biktima naman ay isinugod naman sa ospital subalit binawian na rin ng buhay dahil sa tinamo nitong tama ng bala.

Samantala nalaman na lamang ni Odessa ang nangyari sa asawa nang may tumawag sa kanya na kasamahan ni Percival sa trabaho. Nagsampa na rin ng kasong murder ang pamilya ng biktima subalit tuluyan na ring nagtago ang suspek. Gayunpaman, umaasa pa rin sila na mabibigyan ng hustisya ang nangyari kay Percival kapag nahuli na ang suspek na ito.

Anuman ang dahilang nagawa sa’yong ka-buddy na maganda naman ang kanyang rason dahil ipapa-check up niya ang kanyang anak ay malalaman kapag nahuli na ang taong ito.

Isang leksyon ang iyong matutunan, ang isang simpleng bagay ay ginawa mong komplikado sa ginawa mong pagpatay kay Percival. Sa patuloy mong pagtatago, mas lalo mo lamang pinalala ang iyong kasalanan. Tulungan po natin ang pamilya ng biktima.

Narito ang larawan ni Romeo Regala. Para sa anumang impromasyon na makakapagbigay alam sa kinaroroonan ng suspek, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
E-mail address: [email protected]

vuukle comment

KANYANG

NAMAN

NITO

ODESSA

PASIG CITY

PERCIVAL

ROMEO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with