EDITORYAL Hamon sa bagong Customs chief
July 15, 2005 | 12:00am
TALAMAK ang corruption sa Bureau of Customs at ito ay alam na ng karamihan sa mga Pilipino. Kaya kapag sinabing sa Customs nagtatrabaho, tiyak na may Hepa-B naninilaw ang katawan sa dami ng alahas at pera. Katibayan nang pagiging corrupt ng mga taga-Customs ay ang sunud-sunod na pagsasampa ng kaso ng Office of the Ombudsman sa mga opisyal at empleado rito. Kamakailan dalawang magkapatid na babae ang sinampahan ng kaso makaraang bumagsak sa "lifestyle check". Sangkatutak ang ari-arian ng magkapatid malawak na lupain, malalaking bahay, mamahaling kotse at speedboat at maraming iba pa gayong ang kanilang suweldo ay P20,000 lamang isang buwan. Bago ang pagkabuking dalawang corrupt na magkapatid, sinuspinde na rin ng Ombudsman ang isang Customs commissioner dahil din sa katiwalian. Sinuspinde siya ng 90 araw. Nakabalik na sa puwesto ang commissioner at ang hindi lamang malaman ay kung nangungurakot na muli. Diyan din sa Customs may messenger na sumasahod ng P6,000 isang buwan pero may mamahaling kotse at ilang pinto ng apartment. Ang nakapagtataka lang, kahit na sunud-sunod ang pagsasampa ng kaso ng Ombudsman, wala pa ni isang naikukulong.
Kaya hindi masisisi ang taumbayan kung bakit gusto nilang mag-resign sa puwesto si President Arroyo. Ang gobyernong ito ay walang political will para ganap na durugin ang mga corrupt sa pamahalaan na nagpapahirap sa bansa. At paano nga madudurog ang mga corrupt sa bureau kung pati ang mismong Customs commissioner pala ay sangkot din sa katiwalian? Nahalungkat na ang nagresign na si Commissioner Alberto Lina ay may maanomalyang kontrata sa Customs na nagkakahalaga ng milyong piso, batay sa mga dokumentong nakalap ni Rep. Prospero Pichay. Si Lina ay kasama sa 10 Cabinet members ni Mrs. Arroyo na nagresign noong July 8.
Dapat maimbestigahan si Lina at iyan ang dapat maging prayoridad ng bagong Customs chief na si Alexander Arevalo. Ipakita niyang kayang supilin ang mga may sungay sa Customs. Sa panahon ni Lina ay hindi man lamang umangat ang koleksiyon ng Customs. Bagsak ang koleksiyon at marahil dahil iyan sa malawakang katiwalian.
Malaking hamon kay Arevalo ang pamumuno sa Customs at makita sana ang gagawin niyang pagwalis sa mga corrupt. Durugin na habang maaga pa.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended















