Sabagay mangutang man nang mangutang ang Pilipinas, magkalubug-lubog man, hindi pa rin ito papansinin ng taumbayang naghihirap na ang pang-araw-araw na kakainin ang hinahanap. Hindi nila alam kung ano ang kahulugan ng deficits at interest rates. Ang tanging nakakaalam ng isyung ito ay ang mga ekonomista. Walang pakialam ang mga dukha rito. Ang nagrerebelde nilang bituka ang mahalaga sa kanila bago ang mga isyu sa bayan.
Walang tigil sa kauutang kahit na hindi magampanan ang obligasyon. Kahit na magka-"otso-otso" ang peso okey lang. Ayon sa report, may siyam sa loob ng 13 taon na malaking kakulangan sa budget deficits ang bansa. Sabi pa ni Recto, ang nakalaang budget sa 2004 ay P854.8 billion pero kalahati nito ay mapupunta sa debt servicing. Hindi na nakapagtataka kung bakit sa kabila na may proposed na malaking budget ang bansa, wala pa ring makikitang pagbabago sa pamumuhay ng taumbayan at kulang na kulang ang serbisyo. Ang dapat tamasahin ng taumbayan ay napupunta lamang pala sa utang.
Nitong nakaraang September, umabot ang utang ng Pilipinas sa 68.7 percent ng gross national product (GNP) at ito ayon sa ekonomista ng Asian Development Bank na si Liu Xue Lin ay nakaaalarma. Kung hindi raw magsasagawa ng reporma kung paano patataasin ang revenue collection, nasa masamang sitwasyon ang Pilipinas.
Dahil sa katiwalian at kawalang kakayahan ang itinuturong dahilan ng mga problemang may kinalaman sa pananalapi sa kasalukuyan. Iba naman ang sinabi ng nagbitiw na si Finance Sec. Jose Isidro Camacho. Ang kasalukuyang political system ang dahilan kaya may ganitong problema sa utang. Mabagal aniya ang Kongreso sa paggawa ng batas na magrereporma sa revenue collection.
Corruption ang dahilan kung bakit lubog sa utang ang bansa. At sa kabila na batbat ng corruption, wala namang ngipin ang gobyerno para madurog ang mga tiwali. Patuloy ang pagpapayaman ng mga "buwaya". Sa taumbayan din kukunin ang mga tax na pampuno sa kakulangan.
Ang problemang ito ang kahaharapin ng magiging presidente sa 2004. At kung walang kakayahan o walang naabot na pinag-aralan ang magiging presidente, paano mabibigyan ng solusyon ang ganitong problema. Paano ang gagawin para hindi magka-otso-otso ang bansa?