Editoryal - Taumbayan ang nasasagasaan
June 6, 2002 | 12:00am
ANG taumbayan ang sinasagasaan ng "unos" na nangyayari sa Senado sa kasalukuyan. Apektado ng "unos" ang mga vital reform bills ng pamahalaan na dapat sana ay tinatrabaho na ng mga senador subalit ngayoy wala nang makitang liwanag na nakikita. Abala ang mga senador sa kanilang pakikipaglaban sa kapwa nila senador habang ang taumbayan ay nakanganga at hindi maunawaan ang mga nangyayari. Pati ang Kongreso ay nakisimpatya na sa mga administration senators at ini-adjourn din ang session. Nakisimpatya ang House kay Senate President Franklin Drilon makaraan nitong i-adjourn ang session noong Lunes at tinawag na "sine die". Nagpatuloy naman ang mga Opposition senators sa pagse-session at idineklarang invalid ang memorandum ni Drilon sa senate employees.
Ang taumbayan at wala nang iba pa ang apektado sa nangyayaring "power play" sa senado. Kung patuloy sa paglalabu-labo ang mga senador at pati ngayon ngay nakikisama na ang mga kongresista, hindi gagalaw ang mga panukalang batas para sa kaunlaran ng bansa. Ang magiging sentro ng mga senador ay kung paano wawasakin ang kanilang kalaban. Pansariling interes na ang kanilang iniisip at hindi ang kapakanan ng mga nagluklok sa kanila. Ngayon pa lamang ay nakikita nang pulitika na ang kanilang nasa isip. Nagbabatuhan na ng putik kahit na napakalayo pa ng 2004 elections.
Apektado ng "unos" sa senado ang mahahalagang batas na dapat sana ay tinatrabaho ng mga senador. Ilan sa mga panukalang batas ay ang pagbubuo ng asset management companies na tututok sa banking system kung saan ay may bilyong dollar na non-performing loans. Apektado rin ang deregulation ng power industry at ang pagbubuo ng Housing Department na isa sa mga mahalagang batas na ang makikinabang ay ang mga mahihirap.
Nakadidismaya ang nangyayari sa Senado. Kung tutuusin ay wala pa halos nagagawa ang mga magigiting na senador. Nang magbukas noon ang session ay may nagsagawa ng filibuster at natigil ang kanilang pagtatrabaho. Maraming perang nasayang. Nang imbestigahan noon si Sen. Panfilo Lacson ay marami ring oras ang nasayang na sa dakong huliy wala ring kinalabasan.
Wala pang napatutunayan ang mga senador. Ngayon ngay panibagong "unos" na naman ang kanilang ginagawa at ang taumbayan ang sinasagasaan.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended














