Lacson tinawag na ‘Marites’, ‘senator-judge troll’ ni Cayetano

MANILA, Philippines — Lalong tumitindi ang “word war” sa pagitan nina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at Sen. Panfilo “Ping” Lacson na tinawag ni Cayetano kahapon na isang ‘marites’ at isang “Senator-judge Troll.”
Ginawa ni Cayetano ang pahayag matapos ihayag ni Lacson na mas lumawak pa ang kanilang imbestigasyon sa diumano’y maanomalyang infrastructure project sa Taguig kung saan isinama na ang ilegal na reclamation sa Laguna Lake.
Tinawag naman ni Cayetano ang alegasyon ni Lacson na “hearsay” o “sabi-sabi. “Hindi totoo po ‘yung mga marites na nagkakalat na may reclamation daw diyan na private. ‘Yan po ay gobyerno lahat at ‘yan po ay ginawang series of parks. Iba’t iba pong mga parks na para lahat sa tao na libre po ang mga paggagamit nila,” pahayag ni Cayetano sa kanyang Facebook Live.
“Yung Senator-Judge Troll na ‘yun ay trinotroll ako halos araw-araw pero panay marites or panay inconclusive ika nga, argumentative, hearsay,” dagdag niya.
Sinabi ni Cayetano na ang lakeshore development sa bahagi ng Bicutan, Taguig ay binubuo ng government-owned parks na itinayo sa pakikipagtulungan ng local at national government sa nagdaang tatlong administrasyon.
“Yung buong Lakeshore area po ng Taguig, ‘yung pong government side, kasi may side ‘yung papunta na pong Pasig River na may mga private. But dito po sa Bicutan, for a few kilometers, ‘yan po ay gobyerno lahat po,” ani Cayetano.
- Latest

















