6 na raliyista ‘pasaway’ sa face mask, inaresto

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang anim na indibiduwal na ayaw magsuot ng face mask habang nagsasagawa ng rally kontra sa bakuna sa may Liwasang Bonifacio Shrine sa Ermita, Maynila nitong Martes ng hapon.
Kinilala ang mga inaresto na sina Antonio Lorenzo Santillan, 29, ng Sta. Rosa City, Laguna; Reynaldo Valeros Jr., 55, tribal leader; Sonia Valeros, 52; Albert Muyot ; Christopher Samarita, 37, at Dixie Anthony Parungao, 36.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD), nagkasa ng biglaang rally ang nasa 150 indibiduwal na nagpakilalang mga miyembro ng grupong ‘Gising Maharlika’ sa may Liwasang Bonifacio Shrine dakong alas-3 ng hapon. Kinokontra ng grupo ang ipinatutupad na ‘vaccination program’ ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Rumesponde dito ang mga opisyal at tauhan ng Ermita Police Station 5 para magbigay ng seguridad. Nakipagdayalogo naman si PLtCol Dionelle Brannon at hinarap siya ng mga nagpakilalang tribal leaders na tumangging magsuot ng face mask, wala ring maipakitang vaccination cards at hindi nagpatupad ng ‘social distancing’.
Dito ipinatupad ang pag-aresto sa anim na suspek dail sa paglabag sa Ordinance No. 8627 o ang “Requiring the Mandatory Use of Facemask in All Public Places within the City of Manila”, at Ordinance No. 8800 o ang “An Ordinance Providing for the Enhanced Vaccination Mandate to Regulate the Mobility of the Unvaccinated Individuals within the Territorial Jurisdiction of the City of Manila and Providing Penalties for the Violation.
Bukod dito, sasampahan din ang mga suspek ng paglabag sa RA 11332 o ang “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act” at Article 151 ng Revised Penal Code o ang “Disobedience to Person in Authority”.
- Latest


















