Barracks sa compound ng Kamara nasunog
MANILA, Philippines — Sumiklab ang sunog sa barracks ng mga kawani sa loob mismo ng compound ng Kamara sa Brgy. Batasan Hills, Quezon City nitong Linggo ng umaga.
Ito ang kinumpirma ni Mr. Jake Santiago, isa sa mga opisyal ng House Press and Public Affairs Bureau (PPAB) sa mga mamamahayag kung saan dakong alas-10:30 ng umaga naganap ang sunog at agad ding naideklarang ‘fire out’ ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon kay Quezon City District Fire Marshal Fire Senior Supt. Roberto Samillano Jr., ang sunog ay sumiklab sa barracks ng mga kawani na gawa sa mahihinang uri ng materyales.
Inihayag nito na ang nasunog na istraktura ay hiwalay naman sa Main Building ng Kamara sa complex kung saan nag-uupisina ang mga Kongresista.
Base sa imbestigasyon, nagsimula ang sunog na umabot sa unang alarma pasado alas-9:40 ng umaga na mabilis namang naapula ng mga bumbero matapos ang ilang minuto.
Wala namang napaulat na nasugatan sa insidente at nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
- Latest


















