Dismissed na pulis, arestado

MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang 54-anyos na dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) dahil sa pagtangay ng isang tricycle na nakaparada sa tapat ng bahay ng may-ari nito, sa Quezon City noong Hulyo 16.
Sa ulat nitong Sabado ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Brig. Gen. Randy Glenn Silvio, inaresto sa follow-up operation ang suspek na si alyas “Ram,” dismissed na pulis, sa reklamong carnapping ng isang residente ng Union Civica St. Barangay San Isidro, QC.
Sa imbestigasyon, ipinarada ng biktima ang Kawasaki motorcycle na may side car sa tapat ng kanyang bahay gabi ng Hulyo 15 at kinabukasan ay naglaho.
Isang saksi ang nakitang minamaneho ng suspek ang tricycle patungo sa Bayani St, Brgy. San Isidro madaling araw ng Hulyo 16.
Hulyo 17, nang makumpirma ng biktima umuwi ng bahay ang suspek at ipinaalam sa pulisya, na inaresto ala-1:00 ng madaling araw.
Nahaharap naman ang suspek ngayon sa paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 sa Quezon City Prosecutor’s Office.
- Latest


















