Avila bagsak kay Suarez sa 1st round

MANILA, Philippines — Madaling napasakamay ni undefeated Pinoy boxer Charly Suarez ang World Boxing Organization (WBO) international super featherweight belt matapos ang first-round stoppage kay Mexican Manuel Avila kahapon sa NOS Events Center sa San Bernardino, California, USA.
Isang left hook mula sa kombinasyon ang napatama ni Suarez sa kaliwang sentido ni Avila na nagpabagsak sa huli sa first round.
Nakatayo pa si Avila para iligtas ang sarili, ngunit itinigil na rin ng referee ang laban sa huling 29 segundo sa opening round.
“Thank you. Nakuha po natin ‘yung victory by the grace of God. First round. Maraming salamat po sa lahat ng dasal n’yo, mga kababayan kong Pilipino,” sabi ng tubong Sawata, Davao del Norte.
Pinatingkad ng 37-anyos na si Suarez ang kanyang win-loss-draw ring record sa 19-0-0 tampok ang 11 knockouts.
May 26-3-1 (19 KOs) card naman ang 34-anyos na si Avila na hindi nakapasa sa 130-pound weight limit.
Dahil sa kanyang pagkopo sa WBO international crown ay lalong pinatunayan ni Suarez ang kanyang pagiging No.1 mandatory challenger.
Umaasa ang Pinoy fighter na muling makakatapat si reigning WBO titleholder Emanuel Navarrete (40-2-1, 33 KOs) ng Mexico.
Nauwi sa ‘no contest’ ang bakbakan nina Suarez at Navarrete noong Marso 19, 2025 matapos baligtarin ng California State Athletic Commission (CSAC) ang naunang hatol na unanimous technical decision win ng Mexican.
- Latest























