Binata ‘ginilitan’ sa hotel
MANILA, Philippines — Laslas ang leeg at wala ng buhay ang isang 31-anyos na lalaki nang matagpuan sa loob ng isang kilalang hotel sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-8:05 ng gabi nitong Miyerkules, nang matagpuan ang nakahandusay at duguang biktima na si alyas “Karl” sa loob ng kanyang nirerentahang silid sa ikatlong palapag ng isang hotel na matatagpuan sa Brgy. San Martin De Porres, Cubao, Quezon City. Batay sa imbestigasyon ni PCpl Nestor V Ariz Jr., alas-7:55 ng umaga nitong Miyerkules, nag-check-in mag-isa ang biktima sa hotel para sa 12-oras na pananatili. Nang tawagan ng staff ng hotel na ang biktima upang ipaalala na lumampas na ang kanyang oras ng pag-check out, ay hindi umano ito sumasagot. Kasunod nito, nagtungo sa silid ng biktima ang supervisor, kasama ang maintenance personnel at paulit-ulit na kumatok sa pinto subalit hindi pa rin nagbubukas ang biktima.
Dahil dito, kinuha ang master key upang buksan ang silid subalit pagpasok sa loob ng mga staff ng hotel, narinig nila na bukas ang shower sa banyo, at nang puntahan nila ay natagpuan nila ang biktima na may laslas sa leeg at katabi ang isang kutsilyo kaya agad nilang ini-report sa pulisya.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
- Latest
















