Eala raratsada na sa Birmingham Open
MANILA, Philippines — Puntirya ni Alex Eala na magarbong simulan ang kampanya nito sa pagsagupa kay Australian Priscilla Hon sa 2026 Birmingham Open first round sa Edgbaston Priory Club sa Birmingham, United Kingdom.
Magkukrus ang landas nina Eala at Hon sa alas-5 ng hapon sa Martes (oras sa Maynila).
Ito ang ikalawang pagkakataon na magtatagpo sina Eala at Hon kung saan may 1-1 head-to-head ang dalawa.
Nanalo si Hong sa kanilang unang paghaharap noong 2023 sa qualifying round ng Roehampton event sa England bago makaresbak si Eala noong 2024 sa qualifying round ng Ningbo event sa China.
Kasalukuyang nasa No. 135 si Hon sa WTA rankings.
Pinakamataas na naabot nito ang No. 94.
Noong 2025, umabot si Hon sa third round ng US Open habang nakarating naman ito sa second round ng 2026 Australian Open.
Sasabak din si Eala sa doubles kasama si Nikola Bartunkova ng Czech Republic.
Mapapalaban agad sina Eala at Bartunkova dahil sasagupain ng dalawa sina second seeds Harriet Dart at Maia Lumsden ng England sa first round ngayong Lunes.
Makakapares ni Eala si dating world No. 1 Venus Williams sa doubles event ng Bad Homburg Open na gaganapin sa Hunyo 21 hanggang 27 sa Germany.
Ibinahagi ng Tennis Channel sa isa sa kanilang programa ang pagtatambal nina Eala at Williams kung saan nabigyan ang dalawa ng wild card entry sa doubles event.
Nauna nang binigyan ng wild card entry sa singles sina Eala at Williams kasama si Eva Lys ng Germany.
Kaya naman excited na ang lahat para kay Eala na makakasama sa unang pagkakataon si Williams na isa sa mga legendary tennis players sa mundo.
- Latest


















