Alas Women sisilatin China

MANILA, Philippines — Suntok man sa buwan ay umaasa ang dehadong Alas Pilipinas na magugulat nila ang defending champion at nine-time gold medalist China sa kanilang salpukan sa women’s indoor volleyball competition ng 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Nakatakda ang banggaan ng mga Pinay spikers at mga Chinese hitters sa Pool B ngayong alas-12 ng tanghali sa Okazaki Chuo Sogo Park Gym.
Dinomina ng China ang Japan via straight sets sa nakaraang 2022 Hangzhou Games para pitasin ang pang-siyam na Asiad gold medal sa huling 11 edition.
Inaasahan namang gagamitin ng Alas Women bilang motivation ang kanilang pagbulsa sa makasaysayang kauna-unahang silver medal sa nakaraang 2026 SEA V Cup Leg 2 sa Chiang Mai, Thailand noong Hulyo.
“We’re just going to fight, we’re just going to analyze, study well, and we’re going to be prepared,” sabi ni Japanese coach Taka Minowa, asawa ni dating Alas Women middle blocker Jaja Santiago.
Ang best finish ng mga Pinay spikers sa quadrennial event ay ikaapat na puwesto noong 1962 Jakarta Asiad.
Babanderahan ni veteran team captain Jia De Guzman ang Nationals kasama sina Alyssa Solomon, Bella Belen, Eya Laure, Angel Canino Shaira Nitura at Nina Ytang.
Sina Nitura at Ytang ang pinakahuling ipinasok ni Minowa sa Final 12 ng Alas Women kapalit nina libero Dawn Macandili-Catindig at opposite hitter Erika Santos.
Si Macandili-Catindig ang nakasama ni De Guzman sa 2018 Alas Women team sa Jakarta Asiad na tumapos sa pang-walong posisyon.
Ang iba pang nasa final lineup ay sina Thea Gagate, Dell Palomata, Amie Provido, Mars Alba at Justine Jazareno.
Maliban sa China, kasama rin ng Alas Women sa Pool B ang Kazakhstan.
Sasagupain ng mga Pinay ang mga Kazakhs bukas sa parehong oras at venue sa pagtiklop ng preliminary round.
Ang top two teams sa bawat apat na grupo ang lalaro sa quarterfinals.
- Latest





















