PBA tengga muna para sa Gilas

MANILA, Philippines — Tigil-putukan muna ang 13 koponan sa PBA Season 50 Governors’ Cup upang magbigay-daan sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa 2 magkasunod na bigating torneo.
Halos 2 buwan ang magiging pahinga ng PBA bago magbalik-aksyon sa Oktubre 7 sa Ninoy Aquino Stadium tampok ang sagupaan ng NLEX at Macau pati na ang Terrafirma at Talk ‘N Text.
Ito ay para maibuhos ng PBA sa pangunguna ni Commissioner Willie Marcial ang buong suporta nito sa laban ng Nationals sa 2nd round ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers ngayong Agosto na gaganapin dito sa bansa at sa Asian Games sa Achi at Nagoya, Japan sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Sasagupain ng Gilas ang Jordan at Iran sa Group E sa Agosto 28 at 30 sa Mall of Asia Arena bago depensahan ang korona sa Asiad matapos masungkit ang gintong medalya sa unang pagkakataon sa lagpas 6 na dekada noong 2023 sa China.
Gagabay uli sa Gilas si Barangay Ginebra head coach Tim Cone kasama ang core ng kanyang roster simula pa noong 2023 mula sa ilang PBA teams at pambatong Pinoy import sa Japan at Korea.
Ilan sa PBA players na kasama sa FIBA kaya matagal na matetengga ang liga ay sina 9-time PBA MVP June Mar Fajardo at CJ Perez ng San Miguel, Scottie Thompson, RJ Abarrientos at Troy Rosario ng Ginebra, Chris Newsome ng Meralco, Juan Gomez de Liaño at Justine Baltazar ng Converge pati na si Calvin Oftana ng Talk ‘N Text.
Magsisilbi namang reinforcements ng Gilas sina Justin Brownlee at Ange Kouame na naturalized players ng bansa para sa hangaring malagpasan ang unang hamon sa Group C kontra sa China, Bahrain at Kazakhstan.
- Latest

















