Grade 8 student sinaksak ng kaklase!
1 pang kaso ng bullying sa Cavite
MANILA, Philippines — Sugatan ang isang 17-anyos na Grade 8 student matapos saksakin ng kapwa nito estudyante paglabas ng kanilang eskwelahan dahil sa isa na naman umanong kaso ng pambu-bully sa Silang, Cavite kahapon ng hapon.
Sa ulat ng Silang Police, ang biktima na kinilala lang sa pangalang James, ng Brgy. Balite 1, Silang, Cavite ay inoobserbahan sa ospital dulot ng tinamong saksak sa tiyan habang ang suspek na kapwa Grade 8 student ng Emilia Ambalada Poblete Integrated High School ay si alyas “Mackie”, 15 anyos, residente ng Brgy. Tubuan 1, Silang, Cavite.
Base sa ulat, alas-5:50 ng hapon nang maganap ang insidente sa P. Montoya St, Brgy. Poblacion 4 kung saan uwian na ng mga mag-aaral sa kanilang eskuwelahan.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nag-away ang biktima at suspek paglabas nila ng paaralan na nauwi sa pananapak ng biktima sa suspek.
Pinagsusuntok umano ng 17-anyos na biktima ang 15-anyos na suspek dahilan upang mapikon naman ang huli at inundayan nito ng saksak ang una sa tiyan ng dala nitong patalim.
Agad na naitakbo ng mga rumespondeng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) ng Brgy. Poblacion 4 ang biktima sa Silang Specialist Medical Center habang inaresto ang menor-de-edad na suspek at narekober dito ang patalim na ginamit sa krimen.
Itinurnover na rin sa Municipal Social Welfare and Dev’t Office ang 15-anyos na suspek.
Samantala, sa opisyal na pahayag ng Emilia Ambalada Poblete Integrated High School, sinabing lubos nilang ikinabahala ang insidente at agad silang nakipag-ugnayan sa mga awtoridad.
- Latest
















