Baldwin out na sa Blue Eagles

MANILA, Philippines — Nagsumite ng resignation si Ateneo Blue Eagles head coach Tab Baldwin matapos ang trahedya sa Aurora na ikinasawi ng Ateneo players na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Tinanggap ng pamunuan ng Ateneo ang resignation ni Baldwin. Nagresign din si team manager Epok Quimpo.
Mismong si Ateneo president Fr. Roberto Yap S.J. ang nagpahayag ng bagong balita kahapon sa isang press conference.
“I also must inform everyone that the university has accepted the resignation of head coach Thomas Anthony “Tab” Baldwin effective immediately. We thank him for the years of service for the Blue Eagles,” ani Yap.
Tinanggap ng unibersidad ang pagbibitiw ni Baldwin upang magkaroon ng bagong pamumuno sa basketball program nito kasama na ang pagbabago upang matiyak ang kaligtasan ng mga student-athletes.
“But as we enter a period of deep institutional review, a change in leadership is necessary to ensure the full integrity of our sports programs and safety protocols governing them,” ani Yap.
Sa panunungkulan ni Baldwin, nabigyan nito ng apat na korona ang Blue Eagles kabilang ang three-peat noong Season 80, 81 at 82.
Naging bahagi rin si Baldwin ng Gilas Pilipinas gayundin sa PBA kung saan naging consultant ito ng TNT.
Mayroon pa sana itong tatlong taon sa Ateneo matapos mag-renew ng kontrata noong nakaraang taon.
“We must look inward, examine our systems and rebuild the structures of our athletic programs so that our fields and playing courts will be places where dreams are nurtured not broken,” ayon pa kay Yap.
Nagulantang ang lahat nang pumutok ang trahedya sa team building ng Blue Eagles sa Aurora.
Bumungad ang balitang nasawi sina Baterbonia at Adili matapos humampas ang malakas na alon na tinatawag na rip current.
Ilang araw matapos ang insidente, naglabas ng video si Baldwin kung saan humingi ito ng sorry sa pamilya nina Baterbonia at Adili.
Wala pang linaw kung sino ang papalit sa puwesto ni Baldwin sa Blue Eagles.
- Latest

















