^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Bastusan

Pilipino Star Ngayon

NOONG gabi ng Mayo 26, 2026, muntik nang maging opisyal na kanlungan ng mga kri­minal at pugante ang Senado nang subukan ng mayorya na sagasaan ang mga patakaran. Sa pamumuno nina Senate President Alan Peter Cayetano at Sen. Rodante Marcoleta, pinilit nilang baguhin ang panuntunan sa pagboto upang pa­yagan ang mga mambabatas na mag-online voting kahit pa nagtatago sa batas. Kundi dahil sa pag-walkout ng 11 senador sa pangunguna ni Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III, tuluyan nang nawalan ng integridad ang Senado.

Ang ipinaglalaban nilang “online voting” para kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ay hindi mo­dernisasyon, kundi garapalang technical workaround upang ihabol ang interes ng pugante. Sa pagbubunyag ni Sen. Panfilo Lacson, luma­bas kung gaano karupok ang mayorya: nang mag-walkout ang minorya at kuwestiyunin ni Sotto ang quorum, naiwang nakanganga ang 11 mambabatas ng mayorya dahil lumiban si Sen. Chiz Escudero habang hindi naman makalabas sa lungga si Dela Rosa. Upang makaboto, kaila­ngang naroon mismo ang boboto; iyan ang nakasaad sa Section 117 ng Rule XLI ng Senado. Tinawag ito ni dating Senate Presi­dent Franklin Drilon na “bastusan” at “tyranny of the majority.”

Pilit na naghahanap ng palusot ang mga ka­alyado ng nagtatagong mambabatas. Ginamit pa ni Marcoleta ang katwiran na gawa-gawa lamang ang kasong plunder na inirekomenda laban sa kanya ng Ombudsman hinggil sa P75 milyong ilegal na donasyon sa kampanya, at idinahilan na “walang limitasyon ang pagbi­bi­­gayan ng magkakaibigan.” Subalit ang tunay na motibo ay malinaw pa sa sikat ng araw: natatakot ang mga senador ng mayorya na naha­harap sa mga kaso ng korapsyon at flood control scam na baka bukas-makalawa ay sila naman ang magtago sa dilim, kaya ngayon pa lang ay gumagawa na sila ng batas para sa kanilang sarili. Higit sa lahat, kailangan nila ang boto ni Dela Rosa upang manipulahin ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Maling-mali rin ang kanilang pagdadahilan­ na nangyari na ito sa kaso ni dating Senator Leila de Lima. Bukod dito, ang hiling na mag-online session noon ay bunsod ng COVID-19 na isang pambihirang krisis. Sa kasalukuyan, walang national emergency; ang mayroon lang ay isang senador na tinutugis ng batas. Ang pasya ng Senado noon na tanggihan ang hiling ni De Lima ang batas ngayon: bawal bumoto ang mambabatas na wala sa bulwagan.

Napakalaking sampal sa mukha sa ordinar­yong­ manggagawang Pilipino ang ginagawa nina Cayetano at Marcoleta. Ang mga karaniwang­ mamamayan ay nagtitiis sa araw-araw sa trapik at mahal na pasahe para makapasok sa pab­rika para kumita ng barya. Samantala, ang isang se­nador na pinasasahod ng taumbayan ay gus­tong payagan ng mayorya na humubog ng mga batas habang nagtatago. Huwag subukan nina Caye­tano at Marcoleta na sagarin ang pagtitimpi ng taumbayan.

SENADO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with