Coco, nabuking na wife na si Julia!

Kampanteng-kampante sina Coco Martin at Julia Montes sa pagsagot sa mga katanungan nang humarap sila sa media sa renewal ng kontrata niya bilang brand ambassador ng Republic Gas Corporation o Regasco, na ginanap sa EDSA Shangri-La kahapon.
Bale pangatlong taon na ito ni Coco sa naturang LPG distributor, pero sa ngayong taon ay kasama na si Julia Montes.
Proud na proud si Coco na ibinahaging magaling magluto si Julia. Nag-aral daw ang aktres sa apat na chef, at kabisado pa niya kung kaninong chef pa nag-aaral si Julia.
Kaya si Julia raw ay hindi lang reyna ng kusina, kundi reyna na rin ng kanilang tahanan.
“Kaya ko sinasabi na siya ang reyna ng aming tahanan, bukod sa kusina. Kasi natuto akong mag-adjust, natuto ako na kailangan bilang lalaki, ako ang ano ng bahay namin. Later on, natuto ka na para ang bahay niyo maging masaya at maging tahimik, kailangan bilang lalaki, matuto kang manahimik. Manahimik, mag-adjust at umunawa.
“‘Yun nga sa bahay namin, ‘pag sinasabi, itanong n’yo kay Julia. Kasi sinadya ko na talaga na parang si Juls na lang ang tanungin n’yo,” sabi ni Coco.
Kaya hindi na raw siya nakikialam sa pagpatakbo sa bahay dahil mas magaling daw diyan si Julia.
Hindi na raw siya umiimik, manahimik na lang daw siya, ganun ka-powerful si Julia sa kanilang tahanan. Nananahimik na lang daw siya para sa ikasisiya nilang lahat.
“Baka mamaya may opinyon ako hindi niya gusto. Tapos ‘pag nagtampo sa akin, away. Ang gagawin ko ngayon, tahimik na lang ako. “Sabi nga nila ‘pag mahal mo ang isang tao… ‘di ba may sabi sa English na parang kung gusto mo nang masayang buhay, pasayahin mo ‘yung… happy wife, happy life. ‘Yun na lang ang nasa isip ko kung bakit ako ganun, tumahimik na lang ako, adjust na lang,” napangiting pahayag ng aktor.
Dagdag niyang kuwento, “Marami rin kaming maliliit na isyu na pinag-aawayan o meron mga bagay na ‘di pinagkakaintindihan. Pero ang pinaka-importante sabi ko, kung ano ‘yung natutunan namin dun. Siyempre nung nagsisimula kami, pareho kaming passionate e.
“Lalo na ako, galing ako sa indie e, ‘di ba? Pero ngayon, sabi ko nga, siguro papunta ka na sa alam mo ‘yung nagma-mature, nauunawaan ko na na magbigay.
“And then, para maramdaman niya na parang meron siyang say dun sa inyong tahanan.”
Hindi lang daw sa kanilang tahanan, kundi pati ang CCM Productions ni Coco ay si Julia na rin ang nagma-manage lahat.
Ani Coco, “Siyempre, sabi ko ganun, hindi ko kakayaning mag-isa kaya nung pinasok ko si Juls ngayon… actually, mas marami na siyang trabaho sa akin ngayon.
“Kasi lahat ng finances siya. Siya nag-ganito, siya ‘yung nagche-check ng lahat ng ganyan. Kapag inano namin, siya pa ‘yung mas marami pa siyang trabaho sa akin.
“Kasi ngayon, nasa creative lang ako e. Ako nagka-casting, ako nagbibigay ng kuwento, ako nagpapatakbo ng production. Pero ‘yung mga babayarin… kasi ‘yun ang pinakamasakit sa ulo. ‘Yun ‘yung mga problema sa isang production, sa isang negosyo.”
Si Coco nga salita nang salita, at nakatingin lang si Julia na sobrang naa-amaze raw siya sa kanyang partner.
Bukod pa riyan bidang-bida si Julia sa lahat na mga sinasabi ni Coco. “Pakiramdam ko, birthday ko ngayon. Kasi, parang naha-highlight ang pagkababae ko. Thank you,” bulalas ni Julia.
Sabi pa ng aktres, “Siguro nga sabi namin, kaya kami nagwo-work. Kasi, hindi siya bilang alpha sa amin talaga.
“Kumbaga, leader talaga namin siya sa family. Hindi mo mapi-feel na hindi nga siya naggi-give. Open siya to any advice, any communication.
“Siguro ako din as babae, naa-appreciate ko kasi ang sarap din na napapakinggan ka e. Tapos siyempre, ang goal ko naman in life as partner po niya magabayan ko siya sa mga bagay-bagay na kung ano man ‘yung puwedeng makabawas sa problema niya, puwedeng makabawas sa intindihin niya, makatulong man lang.
“‘Yung tandem namin, kaya masasabi namin sigurong matatawag din na perfect, kasi nga it takes two to tango. Laging tulungan, laging iisipin ‘yung isa, lagi kayong tandem talaga in life.”
Nakikitang masaya sila sa kanila dahil first nilang magsama sa kanilang endorsement. Sa sobrang kampante nilang dalawa, parang kami pa ang natatakot baka madulas sila sa mga sasabihin nila, tungkol sa pamilya at ang maganda nilang samahan.
Ang tawagan pala nila ay “Nanay” at “Tatay.” Saka minsan ay sinasabi ni Coco na partner niya si Julia, pero nabanggit niya ang “happy wife.”
- Latest





















