QCPD official, corporal pinasisibak ng Napolcom
Nag-imbestiga sa panunulak sa rider
MANILA, Philippines — Pinasisibak ni National Police Commission (Napolcom) vice chairperson Atty. Rafael Vicente Calinisan ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) na si PLtCol. Edison Ouano at ang imbestigador na si PCpl. Benito Calungai Jr., dahil sa mababaw na ikinaso sa kanilang kabaro na nanulak ng rider sa Pasig City.
Ayon kay Calinisan, nakakapagtaka na slight physical injury at malicious mischief lamang ang isinampa laban kay PSSg. Erwin Lagua, na nag-viral sa pagtulak sa isang rider sa C-5 sa Pasig noong Martes ng nasabing hepe at imbestigador.
Pinagpapaliwanag ni Calinisan ang mga nasabing pulis kung bakit hindi frustrated murder ang ikinaso laban kay Lagua.
Dahil dito, inirekomenda ng Napolcom chief kina National Police Region Police Office (NCRPO) Director, PMGen Anthony Aberin at QCPD Director, PBGen Randy Glenn Silvio na tanggalin sa puwesto sina Ouano at Salungai.
Kaugnay nito, sinibak na rin ni Silvio si Lagua at isinailalim sa automatic leave of absence without pay (ALAWP) habang iniimbestigahan.
Sa viral video, makikitang dinikitan ng pulis na sakay din ng motorsiklo ang isang motor rider bago umano itinulak dahilan upang sumemplang ang biktima.
- Latest
















