Laban sa mga tolongges Manila North Cemetery pinalibutan ng CCTV

MANILA, Philippines — Walang ligtas ang mga tolongges at magtatangkang gumawa ng kawalanghiyaan ngayong Undas sa mga closed circuit television (CCTV) na nakalagay sa palibot sa Manila North Cemetery (MNC).
Ito naman ang tiniyak ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa kanyang pag-iinspeksiyon sa MNC, na isa sa pinakamalawak na sementeryo sa bansa.
Ayon kay Domagoso, hindi matatawaran ang kalidad ng CCTV na inilagay sa MNC kung saan makikita at makikilala ang sinumang mananamantala bukas, Nobyembre 1 at sa Linggo, Nobyembre 2 kung saan inaasahan ang dagsa ng mga dadalaw.
“Baka kuyugin kayo ng taumbayan. Basta kami, nag-abiso na two weeks ago. Kayong mga tulisan at tolongges, huwag na kayong magbalak. Baka magkaroon ng insidente, kayo naman ang dadalawin next year. You never know!” babala pa ni Domagoso.
Bagama’t handa na ang city government sa Undas, sinabi ni Domagoso na hindi pa rin sila pakakampante dahil meron pa rin na mga pasaway.
Samantala, ipinagmalaki ni Domagoso ang ilang pagbabago sa nabanggit na sementeryo kabilang na ang pagiging airconditioned ng columbarium ng MNC at maayos na lugar ng mga nagtitinda ng bulaklak. Aniya, hindi pinapayagan ang vendor sa loob upang maiwasan ang pagkakalat at disgrasya. Kailangan na ipatupad ang disiplina.
Ikinatuwa rin ng alkalde ang paglalagay ng tag sa mga bata sakaling mawalay sa kanilang magulang sa loob ng sementeryo at pamamahagi ng libreng kandila.
Binigyan-diin pa ni Domagoso na deserve ng taumbayan na maging maayos at mapayapa ang kanilang pagbisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
- Latest





















