Bahay, opisina ni Discaya pinagbabato ng putik

MANILA, Philippines — Pinagbabato ng putik ng mga raliyista ang bahay at opisina ng St. Gerrand Construction General Contractor and Development Corporation nina Sarah at Curlee Discaya kasabay ng panawagang ‘ikulong’ ang mga ito matapos na masangkot sa bilyung-bilyong pisong halaga ng flood control projects.
Kita ang galit ng iba’t ibang cause oriented group matapos ang walang tigil sa pamamato ng putik at pagsusulat sa mga gusali ng salitang ‘magnanakaw’.
Nanawagan naman si Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga raliyista na iwasan ang anumang uri ng karahasan sa pagpapakita ng kanilang galit sa mag-asawang Discaya na nasa likod ng mga ghost flood control projects sa bansa.
Paliwanag ni Sotto, hindi naman ang mga tiwaling opisyal na kanilang binabatikos at inaakusahan ang unang masasaktan sa pamamato ng putik kundi ang mga security guard, trabahador, at maging ang mismong mga raliyista.
“Don’t feel hopeless... the momentum is on the right side now. Let us continue to fight for accountability, stronger institutions, and the rule of law. There are no short-cuts,” ani pa ng alkalde.
Tiniyak din ni Sotto na nagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng LGU sa iba pang national government agencies kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang proyekto ng gobyerno.
“Not just for the Discaya companies. Anything we can do to help. We have had initial exchanges of info and coordination with at least 5 national government agencies... nararamdaman din namin na bumibilis ang kilos nila ngayon,” paliwanag niya.
Samantala, labis namang ikinadismaya ni Pasig Chief of Police Col. Hendrix Mangaldan ang ginawa ng grupo na pinturahan at tinapunan ng putik ang gate ng compound ng mga Discaya.
Pumalag din ito sa pahayag ng grupo na nasa area ang mga pulis para sa mga Discaya at hindi para sa proteksiyon ng mga raliyista.
- Latest





















