Trader niratrat sa laundry shop

MANILA, Philippines — Isang negosyante ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi pa nakikilalang suspek kahapon ng umaga sa loob ng kanyang laundry shop sa Novaliches, Quezon City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si alyas “Reggie”, 43, residente ng Brgy. San Bartolome, Novaliches, QC. Bukod sa pagiging negosyante, isa ring TNVS driver ang biktima.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang krimen bandang alas- 8:59 ng umaga sa panulukan ng King Christopher at King David Ave.Kingspoint Subdivision Brgy. Bagbag, Novaliches, QC.
Nasa loob ng kanyang laundry shop ang biktima nang pasukin ng suspek na naka kapote ng TNVS at pinagbabaril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad na nirespondehan ng mga tauhan ni Novaliches Police Station 4 PLtCol. Aljun Belista ang insidente at natagpuang naliligo sa kanyang sariling dugo ang biktima.
Nagsasagawa na ng follow up operation ang pulisya upang madakip ang suspek na tumakas sa direksiyon ng Quirino Highway.
- Latest


















