P14 bilyong flood control projects sa Maynila, iniimbestigahan

MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na iniimbestigahan na nila ang bilyun-bilyong flood control projects sa Maynila na matagal na palang natapos ngunit tila ‘palpak’ at walang epekto dahil patuloy pa ring binabaha ang lungsod.
Sa isang pulong balitaan kahapon, sinabi ni Domagoso na umaabot sa P14 bilyon ang halaga ng mahigit sa 200 flood control projects na isinagawa sa Maynila at karamihan ay natapos na ngunit hindi naresolba ang matinding pagbaha. Naisagawa ang flood control projects mula 2022 hanggang 2025.
“Itong lahat ng ito ay walang permit sa lungsod. Yes, we are investigating them, and they are also being investigated by the Office of the President.Sad to say, uulitin ko, bumaha ng pondo sa flood control sa Maynila amounting to P14 billion and yet the people of Manila, and those people studying, working, doing business, going in and out in Manila, continue to suffer with the flooding.” Pahayag ni Domagoso.
Ibinunyag din ni Domagoso ang halaga ng mga flood control projects sa bawat distrito. District 1, P3.4 bilyon; District 2, P2 bilyon at P59 milyon; District 3, P4.2 bilyon; District 4, P1.3 bilyon; District 5, P1.1-B at P2 bilyon at P60 milyon naman sa District 6.
Nilinaw rin ni Domagoso na ito ay ang mga dating proyekto pa lamang at iba pa aniya ang mga bago at proyektong kasalukuyan nang ginagawa na nasa 112, na pawang wala ring permit, hindi nagbabayad ng regulatory fees sa local government unit, partikular na ang contractor tax.
- Latest


















