Suspek sa pamamaril sa pulis-Maynila, arestado

MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Pasay City Police sa isinagawang follow up operation sa Cavite ang isa sa riding-in-tandem na suspek sa pagpatay sa isang pulis Maynila, Sabado ng gabi sa Pasay City.
Ayon kay Pasay City Police chief, PCol.Joselito De Sesto ang suspek sa alyas “Bayona”, nasa hustong gulang ay naaresto sa Dasmariñas, Cavite. Ito ang sinasabing nagmaneho ng NMAX na motorsiklo matapos ang pamamamaril kay PSSg. Jomar Caliguiran ng District Tactical Operations Center (DTOC) ng Manila Police District (MPD).
Sinabi ni de Sesto na lumalabas sa pagsisiyasat na robbery ang motibo ng pamamaslang kay Caliguiran bandang alas-8:00 ng gabi sa panulukan ng Taft Avenue at Primero de Mayo St. Brgy. 90.
Pumalag umano ang biktima nang tangkaing hablutin ng gunman ang suot na kuwintas ng biktima kaya siya pinagbabaril ng suspek. Nakaganti pa ng putok ang pulis subalit mabilis ng nakatakas ang suspek habang dalawang lalaki rin ang tinamaan ng ligaw na bala na parehong nasa maayos ng kalagayan sa pagamutan.
Dahil dito, posibleng ang mga suspek din ang bumaril at malubhang nakasugat sa intelligence officer ng PNP Highway Patrol Group (HPG) noong Agosto 1 sa Makati City kung saan tinangay nila ang kuwintas, cellphone, at service firearm ng pulis.
- Latest


















