7 sasakyan inararo ng SUV, 5 sugatan
MANILA, Philippines — Limang katao ang sugatan matapos na araruhin ng isang sports utility vehicle (SUV) ang nasa pitong sasakyan sa area ng Tondo, Manila kamakalawa ng gabi.
Hindi na pinangalanan ng mga awtoridad ang mga biktima, na kinabibilangan ng isang rider, isang pedestrian at mga pasahero ng jeep, at nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan dahil sa naganap na aksidente.
Nasa kustodiya na rin ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang driver ng SUV na isang Chinese national, 44, warehouse man, at residente ng T. Mapua St. sa Sta. Cruz.
Batay sa ulat ng MPD, dakong alas-9:28 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Rizal Avenue at Blumentritt Road, sa Tondo.
Ayon kay Chairman Ohnay Buenaventura, ng Barangay 209, bago inararo ng SUV ang mga naturang behikulo, ay bumangga muna ito sa center island sa Cavite St., sa kabilang barangay.
Tinatangka umano nitong tumakas sa naturang aksidente, na nagresulta sa karambola.
Sa isang kuha ng CCTV, makikita ang SUV na mabilis ang takbo, gayundin ang muntikan pa nitong pagkabangga sa isang pedestrian.
Nahagip din sa ikalawang CCTV footage naman, na inararo na ng SUV ang isang jeep, tricycle, motorsiklo, van, pedicab, taxi at isa pang SUV, na nagresulta sa pagkasugat ng mga biktima.
Hinala ni Buenaventura, lasing ang driver ng SUV dahil hindi ito makausap.
Iniimbestigahan pa rin ng MPD Traffic Division ang insidente.
- Latest


















