2 Vietnamese huli sa medical malpractice
MANILA, Philippines — Dalawang Vietnamese nationals ang arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) sa hindi awtorisadong pagpapatakbo ng beauty clinic at pagsasagawa ng aesthetic medical procedures sa Parañaque City, noong Biyernes.
Sa ulat ng NBI-Cybercrime Division (CCD), ang mga suspek na kinilalang sina Nguyen The Thang at Mai Quy Loc alyas “Dr. Do Thi Binh” ay nadakip sa entrapment operation noong Agosto 15, 2025 sa isang beauty clinic sa Parañaque, nang magpanggap ang isang operatiba na kliyente.
Sa isinagawang surveillance, nakumpirma ang dalawa na nagsasagawa ng medical procedures at nagre-reseta sa kanilang mga kliyente. Kabilang sa inaalok ng kanilang beauty clinic sa online ang chin fillers, sexy alar trim, liposuction, rhinoplasty, blepharoplasty at facelift.
Nabatid na bago ang entrapment, nagpakilala ang isa sa suspek na si siya si Dr. Do Thi Binh sa poseur client kaya beneripika ito sa Professional Regulation Commission (PRC) at nakumpirma na walang special temporary permit o special permit para magpraktis ng panggagamot.
Ang mga suspek ay isinailalim sa inquest proceedings sa Parañaque City Prosecutor’s Office sa paglabag sa Medical Act of 1959, kaugnay sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, RA 9711 o Food and Drug Administration Act at RA 10918 o Philippine Pharmacy Act.
- Latest


















