Mag-iina, sugatan sa sunog
Tumalon sa ika-4 na palapag ng gusali
MANILA, Philippines — Sugatan ang isang ina at dalawa nitong menor-de-edad na mga anak nang mapilitang tumalon mula sa ikaapat na palapag na nasusunog na gusali sa Tondo, Manila, kahapon ng madaling araw.
Hindi na pinangalanan ang ginang at kanyang dalawang menor de-edad na anak, na agad namang naisugod sa ospital upang malapatan ng lunas.
Batay sa ulat, dakong alas-3:04 ng madaling araw nang maganap ang sunog sa Herbosa St. sa Tondo, na sakop ng Barangay 91.
Ayon sa kanilang padre de pamilya na si Ariel Aguilar, kaagad siyang nanghingi ng tulong upang iligtas ang mag-iina na naiwanan sa nasusunog na bahay.
Gayunman, hindi siya kaagad na nakabalik at nabalitaan na lamang na tumalon na ang mag-iina upang makatakas sa sunog.
Bagama’t nahirapan ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) dahil sa masisikip na kalsada kaagad din nilang naapula ang sunog matapos ang 20-minuto.
Tinatayang 20 firetrucks ang rumesponde sa sunog, na umakyat sa unang alarma.
Inaalam pa ng mga bumbero ang pinagmulan ng sunog, na nakaapekto sa isang pamilya.
- Latest






















