Presyo ng palay tumaas sa 6 lugar
MANILA, Philippines — Matapos ang isang linggo nang ianunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspendehin ng dalawang buwan ang importasyon ng bigas na magsisimula sa Setyembre 1, nagkaroon nang pagtaas sa halaga ng farm gate price sa 6 na lugar mula sa 13 rehiyon na pinagmumulan ng bigas sa bansa, ayon sa data ng National Food Authority (NFA).
Base sa NFA monitoring, ang buying prices para sa dry palay ay tumaas ng 2.6 porsiyento mula sa 0.3 porsiyento noong huling bahagi ng Hulyo.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mahigpit na naka-monitor ang gobyerno sa reaksiyon ng merkado sa nakaambang import ban.
Ang import ban ay inutos ni Pangulong Marcos nang bumagsak ang presyo ng palay ng hanggang P8 kada kilo - mas mababa sa estimated production cost na P12 per kilo para sa mga magsasaka. Ayon kay Secretary Laurel, patuloy ang kanilang monitoring sa resulta ng rice import suspension.
Noong buwan ng Abril at Mayo, nakapag import ang rice importers ng halos 970,000 metric tons ng bigas na sapat sa tatlong buwang rice consumption.
- Latest


















