Taiwanese na wanted sa telco scam, timbog

Nakilala ang nadakip na si Shan Yu-Hsuan, 40-taong gulang. Nadakip siya ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit sa may F.B. Harrison St., Pasay City nitong nakaraang Biyernes.
Philstar.com / Jovannie Lambayan, File

MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang Taiwanese national na wanted sa kaniyang bansa dahil sa pagkakasangkot sa operation ng telecommunications scam sa ikinasang operasyon sa Pasay City.

Nakilala ang nadakip na si Shan Yu-Hsuan, 40-taong gulang. Nadakip siya ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit sa may F.B. Harrison St., Pasay City nitong nakaraang Biyernes.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na naglabas siya ng mission order para madakip si Shan makaraang humiling ang Taiwanese government na mapa-deport ang suspek upang malitis sa kaniyang mga kaso.

Nabatid na nagpapatakbo si Shan ng isang call center outfit sa Taiwan na sangkot sa voice phishing at nambibiktima ng mga dayuhan. Nagpapanggap ang mga miyembro ng sindikato na mga sales agents at nag-aalok ng produkto na ibinibenta nila sa online ngunit kumukuha lang ng detalye sa kanilang mga bank accounts at online cash accounts.

Sa pagsisiyasat sa travel records, nadiskubre na overstaying na rin sa bansa si Shan nang dumating siya ng Pilipinas noon pang Oktubre 10, 2019.

Nakaditine ang suspek sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig city habang pinoproseso ang kaniyang deportasyon.

Show comments