Street sweeper kalaboso sa pag-aamok
MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang 36-anyos na street sweeper nang mag-amok sa kalye habang armado ng kutsilyo at replica ng baril na nauwi pa sa pananaksak ng kapitbahay sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa reklamong frustrated homicide at Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act) ang suspek na kinilalang si Marlito Macawile, ng Dian St. Brgy. San Isidro, Makati City.
Ginagamot naman sa Ospital ng Makati ang sugatang si Dennis Cordero Jr., residente rin ng nasabing address.
Sa ulat ni P/Chief Master Sergeant Rico Caramat ng Makati Police Station, alas- 10:15 ng gabi nang maganap ang insidente habang lasing na lasing na lumabas ng bahay ag suspect habang hawak ang kutsilyo at baril na laruan at naghamon ng away.
Walang pumansin sa paghahamon at pagwawala ng suspek at maya-maya ay pumunta ito sa kapitbahay na si Cordero at inundayan ito ng saksak sa dibdib at sa kaliwang braso.
Sa pagresponde sa kaguluhan ng mga Bantay Bayan na sina Lucito Gamat at Isagani Perin ay nadakip agad ang suspek habang isinugod sa pagamutan ang biktima na itinurn-over sa pulisya.
- Latest
























