Placards kinumpiska sa gitna ng misa sa Quiapo Church
MANILA, Philippines — Kumalat kahapon ang isang video na makikitang puwersahang kinumpiska ng mga dalawang pulis ang mga placards ng isang lalaki na nagsisimba sa loob ng Quiapo Church sa Maynila, kahapon ng umaga.
Kuha ang video ng netizen na si Raymond John Naguit ng grupong Akbayan Youth. Ibinahagi rin ito ni Senator Rissa Hontiveros sa kanyang Twitter account.
Dito makikita ang dalawang pulis na pilit na inaagaw ang placards at iba pang gamit sa kilos-protesta na nakalagay sa isang bag. Walang nagawa ang lalaking inagawan ng placards sa mga pulis.
Pero may isa pang natira na maliit na placard na hawak ng lalaki habang nagdadasal matapos na umalis ang mga pulis base sa mga litrato sa internet.
Nasa kasagsagan ng misa sa loob ng simbahan nang maganap ang insidente. Nabatid na nakatago naman ang mga placards nang kumpiskahin ng mga pulis.
Tinangkang kunan naman ng komento ng PSN si Manila Police District (MPD) BGen Rolando Miranda ngunit hindi pa ito tumutugon sa ipinadalang mensahe.
Umani naman ng batikos ang naturang video sa mga netizen. Marami ang kumukuwestiyon kung bakit kailangang isagawa ang pagkumpiska habang nasa gitna ng misa at sa loob ng simbahan habang may nagsasabi na epekto na umano ito ng ipinasang Anti-Terror Act.
Ilan din naman ang kumukuwestiyon kung bakit kailangang magdala ng mga placards sa loob ng simbahan kung nais lang dumalo ng misa.
- Latest

















