Street sweeper todas sa hit-and-run

MANILA, Philippines — Isang 49-anyos na street sweeper ang nasawi matapos na mabundol ng isang rumaragasang kotse habang tumatawid, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Karuhatan, sa lungsod ng Valenzuela.
Tuluyang nalagutan ng hininga makaraang takasan ng tsuper ng kotse ang biktimang nakilalang si Arlyn Miranda, binata, isang Eco-Aide, at nakatira sa Blk 18 Lt 20 Quorum St., Senate Village Phase 1, Brgy.173 Congress, Caloocan City.
Sa ulat ng pulisya, alas-3:05 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa may kanto ng McArthur Highway at San Francisco Street, sa naturang barangay.
Nabatid na tumatawid sa naturang kalsada si Miranda nang mabundol ng isang sedan type na kotse na hindi nakuha ang plaka. Tumilapon sa kalsada ang biktima at nabagok ang ulo sa semento.
Sandaling huminto umano ang kotse ngunit hindi bumaba ang tsuper bago humarurot sa pagtakas.
Patuloy ang imbestigasyon sa naturang insidente habang nanawagan naman ang pulisya sa tsuper na lumantad at panagutan ang kanyang pagkakasala.
- Latest




















