Ginang hinabol ng saksak ng adik na anak

MANILA, Philippines - Kulungan ang binagsakan ng isang 18-anyos na lalaki makaraang arestuhin ng mga barangay tanod nang habulin nito ng saksak ang sariling ina, kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Nakilala ang nadakip na suspek na si Raymund Gaspar, residente ng Yellow Ville, Agora­, North Bay Boulevard South, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Navotas City Police, isinalaysay ng ina ng suspek na si Aling Verly na dakong alas-11 ng gabi nang matiyempuhan niya ang anak na sumisinghot ng solvent sa loob ng kanilang bahay.

Agad na sumulak ang galit ng ginang dahil sa hindi na nga nakakatulong sa bahay ay dagdag pasakit pa ang anak dahil sa pagkagumon sa iligal na droga. Dito sumambulat ang ginang at inumpisahang sermonan ang sabog na anak.

Mistulang sinaniban naman ng masamang espiritu si Raymund na dumampot ng kutsilyo at inundayan ng saksak ang ina na masuwerteng nakailag at nakatakbo. Sinundan naman­ ito ng anak hanggang sa labas ng bahay at tiyempo namang nakahingi ng saklolo si Aling Verly sa mga nagpapatrulyang barangay tanod na siyang umaresto kay Raymund.

Show comments