Transport groups kinastigo sa pagharang sa buwanang sweldo ng mga driver

MANILA, Philippines - Kinastigo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga grupo ng bus transport groups dahil sa pagharang sa implementasyon ng regular na suweldo ng kanilang mga driver na direktang paglabag umano sa isinasaad ng Konstitusyon.

Ito’y makaraang magsampa ng “joint petition” sa Korte Suprema ang mga grupong Provincial Bus Operators Association of the Philippines, Southern Luzon Bus Operators Association, Inc., Inter City Bus Operators Association at City of San Jose Del Monte Bus Operators Association nitong Miyerkules kung saan iginigiit na ang implementasyon umano ng Department of Labor and Employment department order no. 118-12 ay lumalabag sa employer-employee contract.

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na dapat malaman ng mga bus groups na dinidetermina ng batas ang relasyon ng employer-employee at hindi matatabunan ng anumang kontrata. Nakasaad sa Labor Code ang mga panuntunan sa “employer-employee relationship”.

Sa ilalim umano ng 1987 Constitution, nakasaad dito na, “the State shall afford full protection to labor and guarantees the right of workers to humane conditions of work and a living wage”.

Kinukunsidera rin ngayon ng MMDA na pormal na pumasok sa usapin sa pagsusumite ng petition for intervention sa Korte Suprema upang tuluyang maipatupad ang isinasaad umano ng batas.

Show comments