2 estudyante nalunod sa ilog
MANILA, Philippines - Dalawang kabataang lalaki na nagkayayaang manghuli ng isda ang nalunod nang tangkaing saklolohan ang kasamahan nila na nahulog sa ilog, kamakalawa ng hapon sa Valenzuela City.
Wala ng buhay nang maiahon sa malalim na ilog si Benjamin Dueñas, 13, grade 6, ng F. Fernando Plaza, Brgy. Marulas, habang isinugod pa sa Santisimo Rosario Hospital ang 15-anyos na si Tedson Oncepido, 4th year high school student at naninirahan sa Fatima, Brgy. Marulas, ng naturang lungsod subalit namatay din.
Base sa ulat ng Station Investigation Division Management Branch (SIDMB) ng Valenzuela-PNP, alas-4:15 ng hapon nang maganap ang insidente sa Diretso, Jacinto St., Tullahan River, Brgy. Marulas, Valenzuela City .
Sa salaysay sa pulisya ng kapatid ng mga biktima na sina Ginesis Dueñas 12, Belson Oncipedo, 12 at kabarkada nilang si Baron Nagaña 13, nagkayayaan sila na manghuhuli ng isda sa mga kanal hanggang sa makarating sila sa ilog malapit sa kanilang lugar.
Dito umano nadulas si Ginesis na diretsong pumailalim sa tubig. Agad namang lumusong sa ilog si Benjamin at Tedson upang saklolohan ang kapatid.
Nagawa namang makarating ni Ginesis sa gilid ng ilog at makakapit sa mga damuhan subalit ang kuya nito at kaibigan ay hindi na nagawa pang lumutang at tuluyan nang nalunod sa ilog.
Unang naiahon ng mga sumaklolo si Tedson at isinugod sa pagamutan ngunit natagalan para marekober ang katawan ni Benjamin na wala nang buhay nang maiahon.
- Latest
- Trending



















