Mukha ng gunman ni Torres,inilabas na ng PNP

MANILA, Philippines - Inilabas na kahapon ng Mandaluyong City police ang computer illustration ng sinasabing “gunman” ni Joselito “Jun” Torres., 46, political adviser ni Mandaluyong Mayor Benhur Abalos.

Inilarawan ni P/Senior Supt. Armando Bolalin, hepe ng Mandaluyong PNP, ang suspek na may edad na 40-45 years old, may taas na 5’4’’-5’5’’, tumitimbang na 90-100 kilogram, malaki ang pangangatawan, dark complexion na nakasuot na kulay blue na t-shirt at maong na pantalon.

Sinabi ni Bolalin, lahat ng anggulo ay kanilang tinitingnan at double time ang ginagawang imbestigasyon ng kanyang mga tauhan para sa agarang ikalulutas ng kaso.

“Tinitingnan din naming mabuti ang sinabi ni Mayor Abalos na posibleng motibong pulitikal ang nasa likod ng pagpatay kay Jun,” ani Bolalin.

Naniniwala si Bolalin na hindi magtatagal ay mare­resolba nila ang ginawang pagpatay kay Jun dahil sa paki­kipag-cooperate ng mga testigo na sinasabing naka­kita sa nag-iisang gunman at dalawang lookout sa krimen na sakay ng motorsiklo.

Bukod sa mga testigo ay ipinapasuri na rin ngayon ng pulisya sa mga experto ang kuha ng CCTV footages para sa pagkakakilanlan ng mga suspek.

Magugunitang si Torres, chief political adviser ni Mayor Abalos ay dalawang beses na malapitang binaril sa ulo na naging dahilan ng pagkamatay nito, habang sakay ng kanyang Toyota Fortuner, ganap na alas 9:45 ng gabi noong Biyernes sa Barangka Drive, Barangka Village, Mandaluyong City.

Show comments