Parak sibak sa pagpapaputok ng baril
MANILA, Philippines – Upang ipakitang seryoso ang kagawaran ng pulisya sa kampaya laban sa magpapaputok, isang pulis ang sinibak sa puwesto ni Interior and Local Government (DILG) Secretary and National Police Commission (Napolcom) Chairman Jesse M. Robredo dahil sa pagpapaputok nito ng kanyang service firearm.
Ang pagsibak kay Police Officer 1 Arnel Delmoro, miyembro ng Las Navas Police Station sa Las Navas Northern Samar ay indikasyon na seryoso ang pamahalaan sa kanilang kampanya laban sa indiscriminate firing.
Base sa ulat ng pulisya, si Delmoro ay inireklamo ng isang Mariano Adora at ilang provincial guards ng Northern Samar dahil sa pagpapaputok nito ng kanyang M-16 rifle habang lasing at naghahamon ng away.
Sa pagsisiyasat ni Police Sr. Supt. Ido Adil Abdullah, Acting Regional Director ng PNP Region 8, napatunayang guilty si Delmoro at pinatawan ng pagkakasibak sa kanya bilang pulis.
Inapela pa ni Delmoro ang kanyang kaso sa Napolcom Regional Appellate Board, Region 8, subalit ibinasura rin ito at pinaboran ang desisyon ng PNP Region 8 office, gayundin ng DILG Legal Service na pumabor naman sa desisyon ng Napolcom Appellate Board.
- Latest
- Trending