Parak itinumba sa klinika ng misis

MANILA, Philippines - Patay ang isang pulis  matapos itong barilin ng isa sa dalawang kalalakihan na nagpanggap na magpapagawa ng ngipin sa loob ng klinika ng misis nito sa Valenzuela City.

Kinilala ang biktima na si SPO4 Rodolfo Ladaban, 49,   nakatalaga sa Malabon City Police Station.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng masu­sing imbestigasyon ang mga awto­ridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente.

Base sa   imbestigasyon nina PO3’s Percy Villanueva at Ronaldo Suboso, naganap ang insidente dakong alas- 2:30 ng hapon sa loob ng Tamesis-Ladaban Ortho-Dental Clinic na matatagpuan sa #103 Mc Arthur Highway., Barangay Marulas ng na­sabing lungsod.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagtungo ang biktima sa klinika ng kanyang asawang si Dra. Jeanie Tamesis-Ladaban upang sunduin ito nang maabutan ang dalawang suspek kung saan ay nagpanggap ang isang magpapagawa ng ngipin at nagbigay ng pangalang Benedic Limyoes ng Old Tamarraw, Brgy. Marulas.

Nakasaad pa sa ulat ng mga awtoridad na nagpaalam ang isa sa mga suspek na pupunta lamang sa bangko upang kumuha ng perang ipambabayad sa ipinagawang ngipin.

Nang bumalik ito ay agad na binunutan ng baril ang biktimang pulis na nakaupo sa sopa sa loob ng klinika at nang tangkain ng pulis na manlaban ay agad na itong tinamaan sa mukha.

Matapos ito, mabilis na nagsitakas ang mga suspek sa hindi natukoy na direksiyon habang ang biktima naman ay isinugod sa paga­mutan subalit   binawian na rin ito ng buhay.

Show comments