47-anyos na abortionist huli sa akto

MANILA, Philippines - Himas-rehas ngayon ang isang 47-anyos na abortionist makaraang ma­huli ito sa akto habang nag­sasagawa ng iligal niyang gawain sa isang ginang sa ginawang pagsa­lakay sa tahanan nito sa lung­sod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Nakapiit ngayon sa him­pi­lan ng La Loma Police Station 1 ng Quezon City Police Dis­trict (QCPD) ang suspek na si Marilyn Torres, 47, ng #27 Gitna St., Kaingin Bukid, Brgy. Apolonio  Samson ng na­sabing lunsod.

Samantala,  nagawa pang maisugod sa Quezon City General Hospital (QCGH) ang biktimang si Catherine, 22, ng Gana Compound, Brgy. Unang Sigaw sa lungsod para isalba ang bata ngunit ayon sa awtoridad nabigo na ring ma­buhay ito.

Ayon sa pulisya, isina­gawa ang pagsalakay ng pi­nag­sanib ng grupo nina Brgy. Admin Cheche  de Jesus, Brgy. Police Secu­rity Officer (BPSO) Romy Feniza at Julius Cardenas, Brgy. Health Worker Su­sana Santos at Carme­lita Palacol ng Vio­lence Against Women Brgy. Apolonio Samson.

Sinasabing natukoy ang iligal na gawain ni Torres ma­tapos na isang con­cerned citi­zen ang tuma­wag sa ba­rangay at ipina­batid ang naga­ganap na abortion sa bahay nito.

Dahil dito, agad na pu­morma ang nasabing grupo at sinalakay ang tahanan ni Torres ganap na ala-1:30 ng hapon kung saan naaktuhan ito na  nagsasagawa ng abortion sa biktima.

Narekober din sa taha­nan ang ilang parapher­nalias na ginagamit nito sa operasyon.

Matapos ito ay agad na itinurn-over ng barangay ang suspect sa Police station 1 ng QCPD habang isinugod naman ang biktima sa naturang ospital.

Show comments