Pintor tinodas sa inuman
MANILA, Philippines - Hindi na natapos ng isang pintor ng bahay ang pakikipag-inuman sa kanyang mga kapitbahay makaraang saksakin ng isang lalaki na matagal na niyang kaalitan, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Nakilala ang nasawi na nagtamo ng malalim na tama ng saksak sa dibdib na si Ramir Bersubal, at naninirahan sa Brgy. 143 Zone 15, ng naturang lungsod.
Pinaghahanap naman ngayon ang tumakas na suspek na nakilalang si Danilo Dozado, obrero, at kapitbahay ng biktima.
Dala nito sa pagtakas ang patalim na ginamit sa krimen.Naganap ang krimen dakong alas-6:30 ng umaga sa Bautista St. kung saan inumaga na sa inuman si Bersubal.
Nabatid na langong-lango na ito sa alak nang dumating si Dozado at kumprontahin ito ukol sa matagal na nilang alitan.
Dito nagkaroon ng pagtatalo hanggang sa magbunot ng patalim ang suspek at tarakan ang biktima sa dibdib bago mabilis na tumakas.
Pinaniniwalaang matagal nang alitan ang motibo sa naganap na krimen.
- Latest
- Trending














