MANILA, Philippines – Inakusahan ng dalawang party-list representative si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na umano’y siyang nagkakanlong at “protektor” ni Leoncio Pitao alyas “Kumander Parago,” ang notoryosong lider ng New People’s Army “Pulang Bagani Command” sa Davao, na matagal nang pinaghahanap ng mga awtoridad dahil sa mga kasong pandarambong at pagpatay.
Hinamon din nina ANAD party-list representative Pastor Jun Alcover at Bantay party-list Rep. Jovito Palparan si Duterte na patunayang mali ang kanilang akusasyon laban sa kaniya sa pamamagitan nang pagpapa-aresto at pagdaragdag ng P5-milyong reward sa ulo ni Parago.
Nabatid na sa ngayon ay may P7 milyong reward na nakapatong sa ulo ni Parago kabilang ang P5 milyon na bigay ng mga negosyante at nais ng mga kongresista na siyang tapatan ni Duterte ng panibagong P5 milyon. (Mer Layson)