Color Coding sa MM sinuspinde

MANILA, Philippines - Suspendido muna ang Unified Vehicle Volume Reduction Scheme o Color Coding sa Metro Manila ngayong Lunes dahil sa libing ng punong tagapa­ngasiwa ng Iglesia ni Cristo na si Ka Erdy Manalo.

Inihayag kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority ang suspension ng color coding ngayong araw na ito na isa ring non-working holiday.

Pinayuhan ng MMDA ang mga motorista na iwa­san ang Commonwealth Avenue sa Quezon City dahil sa pagsasara ng ma­laking bahagi nito at du­maan na lamang sa mga alternatibong mga ruta.

Ito’y dahil sa inaasa­hang pagsisikip ng daloy ng trapiko bunsod ng ina­asahang pagdagsa ng mga miyembro ng INC na makikipaglibing sa kani­lang yumaong lider. 

Sa inilabas na traffic re-routing ng MMDA, ang malaking bahagi ng Commonwealth Avenue, Tan­dang Sora, Central Avenue at Luzon Avenue papun­tang Elliptical Avenue ay isasara sa daloy ng trapiko. Ang mga motoristang pa­tu­ngo sa Libis ay pinapa­yuhang dumaan na lang sa C-5 Katipunan Road at Qui­rino Avenue-Nova­liches Road o sa Tandang Sora-Zuzuaregui-Commonwealth Road.

Pinapayuhan din ang mga kaanib ng INC na iparada ang kanilang mga sasakyan mula Elliptical Road hanggang Asian Institute of Tourism na sad­yang inilaan na paradahan ng mga dadalo sa libing. (Danilo Garcia)

Show comments