Recruiter ng fraternity, tugis
MANILA, Philippines - Pinaaresto ni Manila Mayor Alfredo Lim ang isang “criminology graduate” na inirereklamong namumuwersa ng mga menor de edad na estudyante na sumali sa kanyang fraternity sa pamamagitan ng paglalagay ng marka sa kanilang mga kamay.
Nagtungo kahapon sa tanggapan ng alkalde sa Manila City Hall ang mga estudyanteng nasa edad 12-15, kasama ang kanilang mga magulang para humingi ng tulong , matapos na tumanggi ang principal ng Manuel Luis Quezon High School sa Blumentritt na papasukin sa klase ang mga estudyante dahil sa mga sunog na marka sa kanilang kamay.
Itinuturo naman ng mga estudyante ang suspect na si Gilbert Atienza-Sienna, 23, residente ng P. Guevarra St., Sta. Cruz, Maynila na ayon sa mga ito ay nakakalaya bagama’t hinuli ng mga pulis.
Dahil dito, inatasan ni Lim si Supt.Ernesto Tendero, Station Commander ng PS-3 na kasuhan at arestuhin ang suspect bunsod na rin ng walang tigil na panghihikayat ni Sienna sa mga estudyante na sumapi sa kanyang “M5” fraternity.
Estilo umano ng suspect na makipagkamay sa mga tumatanggi at agad na kaagad na tatatakan ng isang mainit na “thumbtack”, na nakabalot sa foil dahilan para mag-iwan ng malalim na pagkasunog sa balat ng estudyante.
Isa pang estudyanteng babae ang nagreklamo na itinulak umano siya ni Sienna sa loob ng tricycle at ginawa din sa kanya ang kaparehong ritwal.
Katulong ni Sienna sa pamamaso ang kapatid nitong si Jerwin, isang high school student, at mga kaklase nitong nakilalang sina John at Joshua Cinco at isang alyas ‘Banjo’, na iniutos din ng alkalde na maimbestigahan.
Nabatid na may 20 estudyante ng MLQU ang nabiktima ng grupo ni Sienna,dahil pare-parehas silang may magkakatulad na paso sa kamay.
Bukod sa kasong physical injuries,iniutos din ni Lim kay Tendero ang pagsasampa ng kasong coercion laban kay Sienna. (Doris Franche)
- Latest
- Trending














