Paslit utas sa stepdad na Hapones
Nasawi ang isang 4-anyos na batang babae matapos na pagmalupitan ng kanyang stepdad na Hapones na humataw sa kanya ng bakal ng sinturon noong nakaraang Linggo ng hapon sa Maynila.
Namatay habang ginagamot dakong alas-7:35 ng hapon kamakalawa si Kate Julia Dua, 4, residente ng Unit J 7th Floor Legaspi Tower, 300 Roxas Blvd., Manila, makaraang magtamo ng multiple hematoma, ayon sa kanyang attending physician na si Dr. Josephine Bolivar.
Batay sa report na tinanggap ni Chief Insp. Alex Yanquiling, hepe ng Homicide Section ng Manila Police District, naganap ang insidente noong Hulyo 7 sa bahay mismo ng biktima.
Nabatid na napansin ng ina ng biktima na si Harrold Shiozawa ang pananamlay ng anak , hindi makausap at puno ng pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad na ikinatwiran ng suspect na si Toshiyuki Shiozawa, 39, isang businessman na posibleng nahulog sa hagdan ang biktima kung kaya’t naging tulala ito at nagkaroon ng mga pasa sa katawan. Ang suspect ay may stall ng kainan sa Harrison Plaza.
Dala ng pag-aalala, minabuti ni Harrold na pakainin ang anak hanggang sa nakatulog ito. Kinabukasan ay laking gulat ni Harrold nang mapansing hindi pa rin bumabangon ang bata. Ginising niya ito at nagulat siya nang sumuka at nawalan ito ng malay.
Dahil dito, ipinasya na lamang nina Harrold, suspect at isang kaibigan na nakilala lamang sa pangalang Masa na dalhin sa Manila Doctors Hospital ang biktima. Dito nila nadiskubreng nagtamo ng multiple hematoma ang bata.
Sinita ni Harrold ang suspect at dito inamin ng huli na pinalo niya ng bakal ng sinturon ang bata dahil nais umano niya itong disiplinahin.
Sinabi ng suspect na mahal niya ang bata at hindi niya inakala na magreresulta ito sa kamatayan.
Nabatid pa na kinuha ni Harrold ang anak mula sa Cagayan de Oro at dinala sa Maynila. Plano niya itong isama sa Japan at doon na pag-aralin.
Hindi naman niya alam na pagmamalupitan ito ng kanyang asawang Hapones.
Inihahanda na ang kaso laban sa suspect na amain.
- Latest
- Trending



















