‘Sex enhancement drugs’ nasamsam ng NBI

Sinalakay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang shopping complex sa Sta. Cruz, Manila kung saan nakumpiska ang iba’t ibang mga illegal na droga na pampagana sa pakikipagtalik.

Umaabot sa P50,000 halaga ng mga "sex enhancement drugs" ang nakumpiska ng NBI-National Capital Region sa tatlong stall sa loob ng Good Earth Plaza.

Ayon kay Regional Director Ruel Lasala ng NBI-NCR, nagsagawa sila ng "buy-bust operation" sa tatlong stall sa naturang shopping complex sa Avenida St., Sta. Cruz, Manila.

Nang magpositibo na nagbebenta nga ng naturang mga drogang "viagra" at ciallis", agad na nagpakilala ang mga ahente at kinumpiska ang mga gamot, maging mga "slimming tablets" at "allergy pills".

Sinabi ni Lasala na hindi nakarehistro sa Bureau of Foods and Drugs (BFAD) ang naturang mga gamot. Kailangan din umano ng reseta buhat sa manggagamot bago makabili ng naturang mga droga at hindi puwedeng "over the counter" tulad ng ginagawang bentahan ng mga sinalakay na stall.

Nabatid na ibinebenta ang naturang mga droga sa halagang P50 hanggang P500 bawat tableta.

Kilala rin umano ang naturang mga droga sa tawag na " choco ball", "sex drop", "American Hot Body", "37 degrees" at "Bo Love".

Nahaharap ngayon sa kaukulang kaso ang mga may-ari ng mga stall habang pinag-aaralan pa ang posibleng kaso sa administrasyon ng Good Earth Plaza. (Danilo Garcia)

Show comments