Magkapatid na Ramos humarap na sa DOJ

May posibilidad kaya na isang umano’y ‘baliw’ ang magiging utak sa pagpaslang sa kanyang sariling kapatid?

Ito ang katanungang reresolbahin ng Department of Justice (DOJ) matapos na dumalo kahapon sa preliminary investigation ang magkapatid na Esther at Leticia Ramos, kapwa kapatid ng pinaslang na Foreign Affairs Assistant Secretary Alicia Ramos.

Si Esther Ramos Bailey ay dumalo sa preliminary investigation na pinamumunuan ni State Prosecutor Emmanuel Velasco kasama sakay ng ambulansiya at kasama ang kanyang doktor.

Kinumpirma din ng abogado ni Esther na si Atty. Reynald Suarez na mayroon umano iyong diprensiya sa pag-iisip kung kaya’t nais nitong ipatupad ang karapatan ng una na manahimik.

Bunga nito’y ipinag-utos ni Velasco na magsumite ang kampo ni Esther ng formal manifestation at report ng psychiatric test nito.

Samantala, nilinis naman ng akusadong si Roberto Lumagui ang pangalan ng isa pang kapatid ng biktima na si Leticia dahil wala umano itong kinalaman sa naturang krimen at tanging si Esther lamang ang nag-utos sa kanila na takutin si Alicia.

Idinahilan nito na hindi umano nagustuhan ni Esther ang hindi pagbibigay ng nasawi sa buong halaga ng pension nito mula sa kanyang namatay na asawa na isa namang militar sa Estados Unidos dahil sa umano’y pagiging ‘baliw’ nito.

Magugunita na sinabi din ni Lumagui na wala silang intensyon na patayin si Alicia at aksidente lamang ang pagkakapatay dito matapos na mapahigpit ang tape na itinapal sa bibig ng biktima.

Isinampa ng DOJ ang mga kasong murder at theft sa Makati Regional Trial Court laban sa tatlong nahuling suspects. (Ulat ni Grace Amargo Dela Cruz)

Show comments