PSN fotog inupakan ng pulis sa SC rally

Hindi na rin nakaligtas sa kalupitan ng mga kawani ng Philippine National Police maging ang mga miyembro ng media makaraang pagsusuntukin at basagin ang kamera ng photographer ng Pilipino Star Ngayon (PSN) na si Edd Gumban sa rally ng Union of the Masses for Democracy and Justice sa harapan mismo ng Supreme Court Justice kahapon.

Nabatid sa photographer na personal na nakasaksi at nakakuha ng litrato ng hayagang pagpapakita ng karahasan ng mga anti-riot squad mula sa Western Police District na pinuna lamang nito ang pamamalo ng protective shield ng mga pulis sa hita ng mga ralista nang bigla na lamang hablutin ang kanyang kamera at walang sabi-sabing inapakan ito at nabasag.

Hindi pa nakuntento ang mga anti-riot squad sa pamamalo sa mga hita ng may sampung welgista na nahiga sa gitna ng kalye ay dinala sa malapit na pagamutan upang lapatan ng lunas.

Matatandaan na ang UMDJ ang nagpasimula ng signature campaign na humihiling sa pagbibitiw ng tatlong mahistrado ng Korte Suprema na pinangungunahan ni Chief Justice Hilario Davide Jr.

Gayunman sa halip na mangibabaw ang katwiran, nalusaw ang katarungan at nangibabaw ang pandarahas.

Kaugnay nito, naniniwala ang UMDJ na dapat na parusahan ang mga utak pulburang anti-riot squad na responsable sa karahasang ito. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments