Nakilala ang biktima na si Mark Edward Claunan, grade 3 pupil ng Sta. Quiteria Elementary School, samantalang agad namang naaresto ng mga tauhan ng pulisya ang suspect na si Jona Ramirez, 26, dalaga at residente ng Regal St., Project 8, Quezon City.
Batay sa pahayag ng biktima sa pulisya, ganap na alas-3 ng hapon kamakalawa habang naglalaro ang bata sa harapan ng naturang paaralan habang hinihintay ang kanyang ina na susundo sa kanya ng bigla itong lapitan ng suspect.
Sinabi umano ng suspect sa biktima na ipinasusundo siya ng kanyang ina na naghihintay malapit sa simbahan, di kalayuan sa paaralan.
Dahil sa pahayag ng suspect, agad na nagtiwala at sumama ito sa suspect.
Nang marating nila ang simbahan ay hindi nakita ng bata ang kanyang ina, bagay na kanyang pinagduda kaya nagdahilan siya sa babaeng kidnapper na kailangan niyang bumalik sa paaralan dahil sa may naiwan siya.
Hindi naman inakala ng suspect na nagda-drama ang bata kaya pinaunlakan niya ito.
Nang makarating sa paaralan agad na humingi ng tulong ang batang biktima sa mga magulang na sumusundo sa kanilang mga anak hanggang sa dumating ang mga pulis na nagpapatrulya malapit sa nabanggit na lugar.
Sa pagkakataong ito hindi na nagawa pa ng suspect na makatakas at agad siyang dinumog ng mga tao sa paaralan.
Ang suspect ay kasalukuyang nakapiit sa Caloocan City Police detention cell at inihahanda na ang kaso laban dito. (Ulat ni Angie dela Cruz)